21/04/2026
Isang masayang pagbati at mahigpit na yakap sa ating mga kabataan.
Nasaksihan po natin ang masayang pagtatapos ng ating mga matitiyagang Senior High School graduates sa ilalim ng JobStart Philippines Program na ginanap sa Biñan People’s Center. Kasama po sa mga nagtapos ay ang mga mahal na kamag-anak ng ating mga pasyente sa Kalinga ng AnGEL.
Ang layunin ng programang ito ay napakaganda at malapit sa ating puso, ang matulungan, ma-train, at maihanda ang ating mga kabataan upang makahanap ng maayos na hanapbuhay para sa kanilang kinabukasan at pamilya.
Hindi po ito magiging posible kung wala ang pagkakaisa ng Biñan City Public Employment Service Office (PESO), Department of Labor and Employment (DOLE), PUP Biñan, at NWOW. Siyempre, katuwang din natin ang Pamahalaang Lungsod ng Biñan sa pangunguna ng ating minamahal na Mayor Gel Alonte, na patuloy na naniniwala at sumusuporta sa mga pangarap ng bawat kabataang Biñanense.
Isang malaking karangalan din para sa ating founder ng Kalinga ng AnGEL Foundation at kasalukuyang Presidente ng Philippine Red Cross - Biñan City Chapter, Mam Jhozalyn Alonte, na maging panauhing pandangal sa napakahalagang okasyong ito. Ramdam na ramdam niya ang pag-asa at saya sa bawat ngiti ng ating mga graduates.
Sa ating mga nakapagtapos, simula pa lamang ito ng inyong magandang paglalakbay. Huwag kayong matakot na mangarap nang mataas at magsumikap. Nandito lagi ang Kalinga ng AnGEL para umagapay at sumuporta sa inyo.
Mabuhay kayo at congratulations muli! 💖