09/05/2026
“BABAE LANG ANG MAY PERIOD?” — MARCOLETA KAY LACSON
Muling umani ng atensyon sa social media sina Sen. Rodante Marcoleta at Sen. Ping Lacson matapos gawing biro ni Marcoleta ang dating “macho” statement ni Lacson sa gitna ng mainit na usapin tungkol sa flood control investigation.
Sa programang Sa Ganang Mamamayan nitong Biyernes, muling binalikan ni Marcoleta ang naging pahayag noon ni Lacson na:
“Macho din po ako. Lalaking-lalaki. Period. End of discussion.”
Ang naturang pahayag ni Lacson ay una niyang sinabi noong Enero 2026 matapos niyang sagutin ang mga pahayag ni Sen. Imee Marcos na umano’y nagpapahiwatig na siya ay bakla.
Noon, diretsahang sinabi ni Lacson:
“Pangalawa, lalong hindi ako bakla.”
Dagdag pa niya:
“Masarap pa rin maging tunay na lalaki.”
Sa pinakahuling programa naman nitong Biyernes, ginawang biro ni Marcoleta ang paggamit ni Lacson ng salitang “period.”
“Macho ako, lalaki ako… period,” ani Marcoleta habang ginagaya ang tono ni Lacson.
Ngunit agad niya itong sinundan ng pabirong tanong:
“Hindi ba niya alam na babae lang ang may period?”
Natawa naman ang mga host habang ipinagpapatuloy ni Marcoleta ang kanyang maaanghang na pahayag laban kay Lacson.
Bukod sa biruan, sentro pa rin ng panayam ang usapin sa umano’y multi-bilyong anomalya sa flood control projects at ang matagal nang hinihintay na Senate Blue Ribbon Committee report.
Kinuwestiyon ni Marcoleta kung bakit hanggang ngayon ay “partial report” pa rin umano ang inilalabas.
“Papaano ka pipirma sa isang report na hindi kumpleto?” tanong niya.
Hinamon din niya si Lacson na ipatawag sina Usec. Adrian Bersamin, Cong. Leandro Leviste, at Usec. Jojo Cadiz, gayundin ang tanggapin umano ang apostilled sworn statement ni Zaldy Co sa pamamagitan ng Zoom hearing mula abroad.
Ayon pa kay Marcoleta, may nakita umano siyang “accounting” na may naka-itemize na allocations na dapat umanong masiyasat.
“Ako nakita ko mismo merong accounting,” saad niya.
Sa gitna ng kanyang mga alegasyon, binitiwan din niya ang isa pang mabigat na tanong:
“Ilang maleta ba ang dahilan?”
Sa kabila ng maaanghang na banat, iginiit ni Marcoleta na hindi raw personal ang kanyang motibo laban kay Lacson.
“Ang tanging gusto ko lang namang mangyari, magkatulungan. Hanapin ninyo kung sinong may kasalanan,” aniya.
Wala pang opisyal na pahayag si Sen. Ping Lacson kaugnay ng pinakahuling mga banat ni Sen. Marcoleta.