17/05/2026
Pahayag ng SAMAHAN Hinggil sa Kalagayan ng Politika sa Bansa
“Ibigin mo ang iyong Inang Bayan ikalawa sa Dios at sa iyong puri at higit sa iyong sarili, sapagkat siya ang nakaisa-isang Paraisong pinaglagyan sa iyo ng Dios sa buhay na ito.”
Apolinario Mabini, "Ang Tunay na Dekalogo" (1898)
Ang kasalukuyang kalagayan ng politika sa Pilipinas ay dumaranas ng matinding krisis na sumusubok sa tibay ng ating moralidad bilang isang demokratikong bansa.
Ang mga kamakailang kaguluhan sa Senado, kabilang ang biglaang pag-upo ni Senador Alan Peter Cayetano bilang Senate President noong Mayo 11, 2026, ang nakabinbing pag-aresto kay Senador Ronald “Bato” dela Rosa matapos ilantad ng International Criminal Court (ICC) ang warrant of arrest laban sa kanya kaugnay ng war on drugs ng Duterte Administration, at maging ang barilan sa loob ng Senado na nagbunsod ng takot at pangamba sa publiko, ay hindi lamang mga payak na pangyayari; ang mga ito ay malinaw na palatandaan ng malalim na sugat sa ating sistema.
Dagdag pa rito, ang nakaambang pagtayo ng Senado bilang impeachment court upang litisin si Vice President Sara Duterte ay lalong nagpapatindi sa krisis pampolitika. Ang mga pangyayaring ito ay nagpapakita ng matinding hamon sa ating mga institusyon at sa kakayahan ng pamahalaan na panatilihin ang tiwala ng taumbayan. Hindi natin kailanman kinukunsinti ang mga aksyon na lumalapastangan sa sagradong tiwala ng publiko. Ang bawat pagbabalatkayo at pag-atake sa demokrasya ay isang tahasang pagyurak sa mga pinundar ng ating mga ninuno’t bayani.
Sa harap ng ganitong sitwasyon, naninindigan tayo sa isang hindi matitinag na prinsipyo: walang sinuman ang nakakataas sa batas; lahat ay dapat managot. Ang batas ay hindi dapat nagsisilbing panangga ng mga makapangyarihan, kundi sandigan ng katarungan para sa bawat Pilipino. Hindi sapat ang manatiling tahimik sa pag-una ng pansariling interes ng iilan kaysa sa kapakanan ng nakararami. Panahon na upang bawiin ang ating kolektibong dangal at igiit na ang tunay na kapangyarihan ay nagmumula sa taumbayan, at ang bawat opisyal ay may pananagutang maglingkod nang tapat at unahin ang interes at pangangailangan ng bayan.
Ang kinabukasan ng Pilipinas ay hindi pag-aari ng iilang pamilya o dinastiya; ito ay pamana ng sambayanan na dapat ipaglaban nang may giting, katalinuhan, at kabutihan. Kaya’t isang mahigpit na panawagan ang aming ipinaaabot: maging mapanuri, mulat, may pakialam, manindigan, at gamitin ang karapatang bumoto bilang sandata laban sa kasakiman at korapsyon. Huwag nating ipagpalit ang kinabukasan ng susunod na henerasyon sa panandaliang biyaya o huwad na pangako. Nawa’y magkaisa tayo sa pagkilos upang matiyak na ang bansang ating iiwan ay isang Pilipinas na tunay na malaya, masagana, at pinamamahalaan ng gobyernong may integridad.
Sama-sama nating pandayin ang bayang itinagubilin sa atin ng ating mga ninuno’t bayan. Isang bayang malaya, makatarungan, at marangal; isang bayang tunay na maipagmamalaki ng bawat Pilipino.
Reference:
Princess Paula V. Cabio
Suprema ng SAMAHAN
A.Y. 2025-2026