06/08/2026
Press Release
Agosto 6, 2026
Agarang Tulong ang Panawagan ng STOP Exploitation sa Nararanasang Krisis at Sunud-sunod na mga Kalamidad na Tumatama sa Rehiyon
Mariing nananawagan ng agarang tulong mula sa pamahalaan ang Solidarity of Peasants Against Exploitation (STOP Exploitation) – Kilusang Magbubukid ng Pilipinas Ilocos sa nararanasang krisis at sunud-sunod na mga kalamidad na tumatama sa rehiyon. Na agaran itong makapagbigay ng komprehensibong ayuda, kompensasyon at rehabilitasyon lalo na sa mga magsasaka at mangingisda na kung saan ay patuloy na dumaranas ng magkakaugnay na krisis. Mula sa walang-habas na pagtaas ng presyo ng langis mula pa noong Marso ngayong taon, matinding epekto ng Super El Niño, hanggang sa magkakasunod na bagyong humahagupit ngayon sa Hilagang Luzon.
Bago pa man dumating ang mga bagyo, lubog na sa tumataas na gastos sa produksyon, bagsak na presyo ng ani, lumalaking pagkakautang, at mababang kita ang mga magsasaka at mangingisda. Lalong pinalala ng pinsala sa mga pananim, palaisdaan, kagamitang pangisda, irigasyon, at iba pang imprastruktura ang kanilang kalagayan at nagbabadya ng panibagong banta sa suplay ng pagkain.
Samantalang, hindi rin maitatatwa na nagpalala at naghatid ng mas matinding pinsala ang malawakang pagbaha sa tuwing may bagyo at Habagat dulot ng walang maayos na flood control. Hanggang sa kasalukuyan ay wala pa ring tunay na napapanagot sa mga maanomalyang flood control projects, at samakatwid, nagpapatuloy pa nga ang paglulustay at pagnanakaw sa kaban ng bayan kapalit ng paghihirap ng mga mamamayan. Ang bilyun-bilyong ninanakaw sa mga mamamayan ay sapat na sana para sa pagpapaunlad sa produksyon ng mga magsasaka at ikauunlad ng iba pang batayang sektor ng lipunan. Kung kaya’t patuloy din ang panawagan ng Stop Exploitation-KMP Ilocos sa pagpapanagot sa lahat ng mga sangkot, mula ibaba hanggang itaas sa anomalyang ito.
Sa kabilang banda, hindi lamang kalamidad ang ugat ng kasalukuyang krisis. Bunga rin ito ng matagal nang pagpapabaya sa agrikultura sa ilalim ng mga patakarang neoliberal na nagbukas sa malawakang importasyon, nagkait ng sapat na suporta sa lokal na produksyon, at nagpasan ng lahat ng panganib sa mga magsasaka at mangingisda. Habang bilyun-bilyong piso ang ginugugol sa pagbabayad ng utang panlabas, gastusing militar, at mga programang pabor sa dayuhang kapital, nananatiling kapos ang ayuda sa sektor ng agrikultura.
Kaugnay nito, iginigiit ng STOP Exploitation-KMP Ilocos ang agarang pamamahagi ng ayudang pagkain at salapi (emergency cash assistance), libreng binhi, abono at iba pang kagamitang pangsakahan, pagpapalit ng mga nasirang bangka at kagamitang pangisda, sapat na kabayaran sa pinsala sa kabuhayan at pananim, rehabilitasyon ng mga irigasyon at imprastrukturang pang-agrikultura, at pagsuspinde sa paniningil ng mga utang at amortisasyon sa mga lugar na sinalanta ng kalamidad.
Isaalang-alang ng mga lokal na pamahalaan sa rehiyon ang paggamit ng pondo mula sa Republic Act No. 7171 at Republic Act No. 8240 – ang excise tax sa tabako bilang source upang punduhan ang mga pangangailangan ng sektor ng agrikultura. Bawat taon, bilyones ang kinikita ng rehiyon ng Ilocos mula sa iniluluwal na excise tax mula sa mga magsasakang tabako sa rehiyon.
Kasabay din nito, patuloy ang ating panawagan sa pagsulong ng mga batayang reporma tulad ng tunay na reporma sa lupa, sapat na suporta ng estado sa lokal na produksyon, at pambansang industriyalisasyon. Hangga't nananatiling nakasandig ang agrikultura ng bansa sa interes ng imperyalismo at pyudal na pagsasamantala, magpapatuloy ang paulit-ulit na paghihirap ng mga magsasaka at mangingisda sa bawat pagtaas ng presyo ng langis, tagtuyot at bagyo.
Nanawagan din ang STOP Exploitation-KMP Ilocos sa lahat ng demokratikong sektor na makiisa sa pakikibaka ng mga magsasaka at mangingisda ng rehiyon para sa agarang ayuda at mga pundamental na repormang magbibigay-priyoridad sa kapakanan ng mga nagluluwal ng pagkain kaysa sa tubo ng malalaking panginoong maylupa, komprador, at dayuhang korporasyon. # # #
Reference:
Julie Balangue
Regional Spokesperson
Stop Exploitation-KMP Ilocos