10/09/2026
Palayain si Mara Peralta! Palayain ang limang paralegal na iligal na inaresto!
Palayain ang limang paralegal! Reject Pax Silica at Luzon Economic Corridor!
Mariing kinokondena ng Kaisahan ng mga Manggagawang bukid ang iligal na pag-aresto sa limang paralegal na nagseserbisyo sa mga mapayapang nagprotesta kaninang hapon upang tutulan ang isinasagawang Luzon Economic Corridor Investors Forum sa Grand Hyatt Hotel, BGC.
Kabilang sa mga iligal na inarestong paralegal ay si Mara Peralta mula sa Unyon ng mga Manggagawa sa Agrikultura (UMA) at Tanggol Magsasaka, kasama sina Jona Yang at Kenneth Castro na dinala sa Tuktukan Police Station sa Taguig City. Sumunod namang iligal na inaresto sina Daya Juliano at Ramon Christian Placido sa police station habang nag-aasikaso sa mga kasamahan nila kasama ang kanilang legal counsel.
Karapatan ng mamamayang tutulan ang mga proyektong makakaapekto sa kanilang kabuhayan, hindi krimen ang magbigay ng serbisyong ligal sa mga ginigipit ng estado!
Nagkasa ng protesta, sa pangunguna ng Bagong Alyansang Makabayan, ang iba't ibang progresibong grupong tumututol sa pagtatayo ng 1,620 ektaryang Pax Silica sa lupang ninuno ng mga Ayta sa Capas, Tarlac at Luzon Economic Corridor (LEC). Ang LEC ay isang proyekto na magsisimula sa Subic at aabot hanggang Batangas upang magsilbi sa mga pabrika, data centers at AI Hub ng Pax Silica.
Sa ngayon, tinatayang nasa mahigit 20,000 residente ang nanganganib na mawalan ng lupa, kabuhayan, at panirahan dahil sa proyektong ito. Labas pa rito ang tatamaan ng Subic-Clark-Manila-Batangas Freight Railway na uutangin ang pondo sa Asian Development Bank na pagmamay-ari ng Japan. Gagamitin rin ito bilang parte ng military strategy ng US na gamitin ang Pilipinas sa pang-uupat ng digmaan sa Asya-Pasipiko.
Kaisa ng mamamayang Pilipino ang mga manggagawang bukid sa Timog Katagalugan sa panawagang tutulan ang imperyalistang dominasyon ng US sa Pilipinas sa pamamagitan ng Pax Silica at Luzon Economic Corridor. Ipagtanggol ang mga lupang ninuno, sakahan at soberanya ng bansa laban sa mga imperyalista!
Ikulong ang traydor na si Marcos Jr, hindi ang lumalabang mamamayan! Palayain ang mga iligal na inaresto!
📷Altermidya