26/07/2026
SANGKABAKLAAN , MAKIISA SA SONA NG BAYAN! MARCOS AT DUTERTE, PANAGUTIN AT SINGILIN!
Muling haharap sa mikropono si Bongbong Marcos para magbasa ng panibagong listahan ng mga kasinungalingan sa kanyang SONA. Pero kahit anong ganda ng mga salita niya, hindi nito matatakpan ang totoong dusa ng mamamayan sa araw-araw.
Sadsad ang buhay ng mga estudyante at ng buong bayan. Sa halip na ipondo sa mga kulang nating dorm, allowance, at serbisyo sa mental health, ginagastos ang buwis ng bayan sa pansariling interes ng mga nasa pwesto. Sa kabilang banda, patuloy ang pananakit, pambabastos, at diskriminasyon sa sangkabaklaan. Ginawa lang palamuti ang SOGIE Equality Bill sa Kongreso habang hinahayaan tayong maabuso at walang habas na tratuhin na parang hindi tao.
Hindi rin makuntento ang rehimeng US-Marcos-Duterte sa pagpapahirap sa'tin; ibinebenta pa nila ang ating kalikasan at soberanya. Sa ilalim ng prokeytong Pax Silica, handa nilang ipamigay ang ating mga sakahan at ancestral lands para sa mga data center at AI hub ng US at Israel. Lalamunin nito ang tubig sa New Clark City, wawasak sa kapaligiran, at magpapalayas sa ating mga magsasaka at katutubo. Ginagawa nilang katuwang ang Pilipinas sa pagmamanupaktura ng mga bombang ibinabagsak ng US sa mga mamamayan sa Kanlurang Asya.
Kapag umangal ang mamamayan, pasismo at panunupil ang sagot ng estado. Sa tulong ng AFP at PNP, tuloy-tuloy ang red-tagging at panggigipit sa mga estudyante at aktibistang pumupunta sa mga komunidad para makipamuhay sa mga magsasaka. Ninanakaw nina Marcos at Sara Duterte ang pera ng bayan habang tayo ang nagbabayad ng utang at nagtitiis sa gutom.
Walang paglaya ang sangkatootan kung hiwalay tayo sa laban ng buong bayan. Hindi tayo makakakuha ng tunay na pagkakapantay-pantay hangga't naghahari ang imperyalismo, pyudalismo, at burukrata-kapitalismo sa ating lipunan.
Kaya sa darating na SONA, iwan natin ang apat na sulok ng ating mga silid-aralan. Bitbitin ang ating mga panawagan sa kalsada at makiisa sa mga magsasaka, manggagawa, at katutubo.
Baguio State of the Youth Address (SOYA) 2026
📆Hulyo 26, 2026 (Linggo)
⏲️5:30 PM
📍Baguio People’s Center (BPC)
People’s SONA 2026
📆Hulyo 27, 2026 (Lunes)
⏲️10:30 AM
📍 Malcolm’s Square, Baguio City
(Magsuot ng puti.👕)