04/04/2025
Tama na sa dinastiya! Tama na sa mga artista! Tama na sa mga kurakot at tiwali sa politika! Doon tayo sa bago ngunit hindi bago sa pagseserbisyo!
"Ayoko nang bumoto. Wala namang nangyayari sa ating bansa. Ganun pa rin, walang pagbabago," sabi ng iba. Tunay nga naman. Tumataas na presyo ng mga bilihin, mababang sahod, marami ang nagugutom, marami ang walang trabaho, patuloy na pagmimina, kulang sa serbisyong pangkalusugan, mabibigat na daloy ng trapiko, mababang antas ng edukasyon. Ngunit, lahat ng ito ay maaaring masolusyonan kung ang iboboto nating mga mamumuno sa bansa ay mga matalino, malinis magserbisyo, at iniisip ang kapakanan ng mga tao katulad ni Vico Sotto at Leni Robredo. Kaya gamitin mo nang TAMA ang iyong KARAPATANG BUMOTO.
Ngayong nalalapit na ang 2025 Midterm Election, ating gamitin ang ating karapatang bumoto para ihalal ang mga karapat-dapat na mga lider na magiging boses ng mamamayan at hindi iniisip ang pansariling interes lamang.
Nakita natin na salungat ang resulta ng survey ng Social Weather System (SWS) sa resulta ng isinagawang mock election ng mga unibersidad sa Pilipinas hinggil sa mga potensyal na mananalo bilang senador. Isa lamang itong patunay kung gaano nakakaimpluwensiya ang edukasyon sa pagpili ng mga iboboto sa eleksyon. Ang boto ng mga estudyante sa mga unibersidad ang siyang dapat pamarisan ng mga nakararami sapagkat ang mga estudyanteng ito ay kritikal mag-isip at hindi basta basta naniniwala sa mga maling balita.
Kaya ngayon, kilalanin natin sina Heidi Mendoza, Kiko Pangilinan, Bam Aquino, Sonny Matula, Roberto "Ka Dodoy" Ballon, Atty. Luke Espiritu, Ka Leody De Guzman, Teddy Casiño, France Castro, Norman Marquez, Danilo Ramos, Ronnel Arambulo, at Arlene Brosas.
📷COMELEC