25/04/2024
Kalikasan ay iyong pinoprotektahan... Ikaw naman ngayon Gob ang aming pro-protektahan!!!
GOB. MAMBA, GAGAMITIN ANG LAHAT NG LEGAL REMEDIES PARA MAPAWALANG BISA ANG DISQUALIFICATION ORDER NG COMELEC 1ST DIVISION
Handang ubusin o gamitin ni Gob. Manuel Mamba ang lahat ng legal na hakbang para mapawalang-bisa ang Disqualification Order na inilabas ng Comelec 1st Division kahapon, araw ng Martes, Abril-24.
Ito ang tiniyak ng buong legal team ng Gobernador sa pangunguna ni Atty. Romeo Macalintal habang inihahanda na ang Motion for Reconsideration (MR) para maihapag sa Comelec En Banc.
Kaugnay rito, tiniyak din ng buong legal team na makapaghahain sila ng MR alinsunod sa panahon na ibinigay ng nasabing Poll Body.
Ayon pa sa legal team ni Gob. Mamba, walang pinagka-iba ang alegasyon ni Atty. Victor Casauay na inayunan ng 1st Division sa inihain ni Zarah Lara sa 2nd Division ng Comelec.
Matatandaang, ibinasura ng Comelec En Banc sa botong 7-0 ang disqualification order ng Comelec 2nd Division noong Pebrero 2022.
Samantala, muling binigyang diin ni Gob. Mamba na mananatili at patuloy siyang maglilingkod bilang gobernador ng probinsiya hanggat wala pang pinal na hatol sa kinahaharap nitong diskwalipikasyon.
"I will file my MR with SC and Comelec En Banc ASAP. Same allegations with complaints of vote buying from Sara Lara and the other filed by Casauay. With God’s guidance we will prevail. God Bless," pahayag ni Gob. Mamba sa hanay ng media.
Mariing inihayag ng Gobernador na wala itong nilabag na batas o tuntunin noong May 2022 local elections dahil nakakuha ang kampo nito ng exception mula COMELEC sa mga ipinatupad nitong mga regular na programa ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan kahit naitaon ito sa panahon ng kampanya.
Sa kabilang banda, wala pang natatanggap na pormal na kopya ang legal team ni Gob. Mamba sa inilabas na ruling ng Korte Suprema kaugnay sa pagbasura ng Comelec En Banc sa disqualification order ng 2nd Division na inatas nito noon Disyembre 2022. # # #