19/07/2026
BASAHIN: CPR Caravan ng Philippine Red Cross Pangasinan sa tulong ng 104th Maneuver Company Regional Mobile Force Batallion I , Nagbigay ng Life-Saving Skills sa Iba't Ibang Komunidad
Matagumpay na isinagawa ng Philippine Red Cross Pangasinan Chapter at 104th Maneuver Company Regional Mobile Force Batallion I ang CPR Caravan 2026 bilang bahagi ng kampanya nito na mapalawak ang kaalaman ng publiko sa tamang pagsasagawa ng cardiopulmonary resuscitation (CPR) at agarang pagtugon sa mga insidente ng cardiac arrest.
Sa isinagawang pagsasanay, tinuruan ang mga kalahok ng tamang pagkilala sa mga senyales ng cardiac arrest, wastong pamamaraan ng Hands-Only CPR, at ang kahalagahan ng maagap na aksyon upang mapataas ang tsansa ng kaligtasan ng isang biktima habang hinihintay ang pagdating ng mga emergency responder. Ayon sa Philippine Red Cross, mahalaga ang pagkakaroon ng sapat na kaalaman sa CPR dahil sa panahon ng emerhensiya, ang bawat segundo ay may malaking epekto sa pagliligtas ng buhay. Sa pamamagitan ng pagsasanay na ito, mas maraming mamamayan ang naging handa na tumugon sa mga hindi inaasahang sitwasyon.
Naging matagumpay ang programa sa tulong ng iba't ibang katuwang na institusyon kabilang ang LGU Urdaneta, Urdaneta City Health Office, Universidad de Dagupan, Bolingit Elementary School sa San Carlos City, LGU Tayug, BJMP Balungao, Maseil-seil Alo-o National High School sa Umingan, Laoac National High School, at mga paaralan sa Alcala sa pamamagitan ng kanilang Red Cross Youth Council, kabilang ang Arboleda NHS, Bersamin-Agro High School, Cipriano Primicias NHS, San Pedro Apartado NHS, at San Pedro Ili Elementary School.
Patuloy namang hinihikayat ng Philippine Red Cross Pangasinan ang publiko na makiisa sa mga programang pangkaligtasan upang sama-samang makabuo ng isang komunidad na mas ligtas, mas handa, at mas matatag sa anumang uri ng emerhensiya. Sa kanilang mensahe, binigyang-diin nila ang panawagang, "One community. One heartbeat. Many lives Saved" / via Grace AcuarโDWRS Radyo Pilipinas Tayug
Photos: PRC Pangasinan Chapter