24/04/2026
Hustisya sa mga biktima ng malagim na Toboso massacre!
Tulad ng mga hukbong mersenaryo ng Estados Unidos at Israel, duguan ang mga kamay ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa pagmasaker sa 19 Pilipino—mga magsasaka, manggagawa, estudyante, g**o, at mamamahayag—sa Barangay Salamanca, Bayan ng Toboso, Negros Occidental.
Muli, inuulit ng AFP at ng NTF-ELCAC ang gasgas at lumang naratibo: na ang mga pinaslang ay diumano’y mga “terorista.” Tulad sa mga kathang-isip na eksena sa pelikula at komiks, pinapalabas na “nanlaban” ang mga biktima upang bigyang-katwiran ang walang habas na strafing at militarisasyon. Sa gitna nito, hindi bababa sa 600 magsasaka ang sapilitang pinalikas mula sa kanilang mga tahanan.
Gaya ng mga mersenaryong hukbo ng US at Israel, ang tunay na layunin ng berdugong AFP ay protektahan ang interes ng mga panginoong maylupa at malalaking negosyante sa Negros. Sa kabila ng pagiging “sugar capital” ng Pilipinas, nananatiling isa ang Negros sa pinakamahihirap na rehiyon ng bansa. Patuloy na inaapi ang mga magsasaka sa pamamagitan ng napakababang sahod—madalas ay mas mababa pa sa ₱500 kada araw—mataas na upa sa lupa, at laganap na land grabbing. Lalong pinapalala ang kanilang kalagayan ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin sa gitna ng mga gerang itinutulak ng mga imperyalistang kapangyarihan sa pangunguna ng U.S.
Sa harap ng ganitong kahirapan at pang-aapi, makatarungan ang layunin ng mga magsasaka na mag-organisa—umaasa sa diwa ng bayanihan upang sama-samang pag-aralan at baguhin ang kanilang kalagayan. Sinusuportahan sila ng iba’t ibang sektor tulad ng simbahan, mga paaralan, estudyante, at mga propesyunal, kabilang ang mga mamamahayag na tumutulong upang mailantad ang kanilang sitwasyon. Ngunit nananatiling bingi ang rehimen ni Marcos sa hinaing ng mga maralitang mamamayan sa kanayunan.
Hindi bago ang ganitong karahasan sa Negros. Mula pa noong panahon ng diktadurya ni Ferdinand Marcos Sr., daan-daang magsasaka na ang pinaslang ng AFP at mga paramilitary nito. Nariyan ang Escalante Massacre at ang Sagay Massacre. Bukod sa mga masaker, laganap din ang extrajudicial killings, red-tagging, gawa-gawang kaso, at pananakot. Sa kabila ng propaganda at manipulasyon sa midya, hindi maloloko ang mamamayang Pilipino. Hindi kailanman malulutas ng dahas militar ang ugat ng kahirapan at kawalan ng katarungan sa lipunan.
Sa gitna ng ganitong kalagayan, inilulunsad ng mga pwersang militar ng US, Pilipinas, at Japan ang pinakamalalaking war games sa kasaysayan ng bansa. Ang mga ehersisyong militar tulad ng Balikatan Exercises ay hindi nagdudulot ng kapayapaan, kundi lalong nagpapalala ng kahirapan at naglalapit sa banta ng digmaan sa rehiyong Asya-Pasipiko. Ang mga kasunduang militar gaya ng Philippine-Japan Reciprocal Access Agreement, na ibinabalot sa retorika ng “seguridad,” ay sa katunayan nagbubunsod ng mas matinding pasismo sa Pilipinas at remilitarisasyon sa Japan.
Kasama ng mga migranteng manggagawang ng iba’t-ibang lahi, mga kaibigang manggagawa at mamamayan sa Japan, at mga kaalyadong organisasyon Pilipino, kami sa Bayan Japan ay mariing kikondena ang pagpaslang ng berdugong AFP sa mamamayang Pilipino. Tinututulan namin ang Balikatan exercises. Tinututulan din namin ang pagpapalawak at pananatili ng mga base militar ng US sa Asya-Pasipiko at iba pang bansa, sapagkat nagsisilbi itong mitsa ng digmaan, paglabag sa soberanya, at pagkasira ng kalikasan.
Ipagtanggol ang mamamayan ng Negros!
Ipagtanggol ang Negros laban sa kamay ng mga berdugong AFP!
Imbestigahan ang Pagmasaker ng AFP sa Toboso!
Militar sa Kanayunan, Palayasin!
Balikatan Exercises Wakasan!
No to US Bases!
Stop War! Promote Peace!
Abolish the NTF-ELCAC!
Scrap the NAP-UPD and MO 32!