16/07/2026
https://www.facebook.com/share/p/1LDGDFHymc/
ILANTAD AT ITAKWIL ANG HUWAD NA KORDILYERA DAY NG HULYO 15!
IPAGLABAN ANG TUNAY NA AWTONOMIYA, SARILING PAGPAPASYA, AT LUPANG NINUNO!
Ang pamana ni Macli-ing Dulag ay hindi ang pagtanggap sa huwad na awtonomiya, kundi ang pagpapatunay na ang tunay na sariling pagpapasya ng mamamayan ay nakakamit lamang sa militanteng pakikibaka.
Para sa mamamayan ng Kalinga, ang Hulyo 15 ay hindi kailanman naging araw ng tunay na awtonomiya. Isa itong pagtatangka ng estado na palitan ang kasaysayan ng pakikibaka ng Kordilyera ng isang huwad na salaysay ng "kapayapaan" at "awtonomiya." Binubura nito ang militanteng paglaban ng mamamayan ng Kalinga at buong Kordilyera laban sa Chico River Dam Project, Cellophil Resources Corporation, at iba pang mapangwasak na proyektong ipinataw sa ating lupaing ninuno. Binubura rin nito ang pamana ni Macli-ing Dulag at ng libu-libong katutubong lumaban para sa lupa, buhay, at karapatan sa sariling pagpapasya.
Hindi Hulyo 15 ang sumasagisag sa Kordilyera. Ang ating Kordilyera Day ay Abril 24βang Kordilyera Day ng Mamamayan. Isinilang ito sa sama-samang paglaban ng mga komunidad ng Kalinga, Bontok, at buong Kordilyera laban sa pandarambong at pambansang pang-aapi. Ito ang araw na nagpapaalala na ang mga demokratikong karapatan ay hindi ipinagkakaloob ng estado kundi ipinaglalaban ng mamamayan.
Mahigit tatlong dekada matapos ang Executive Order No. 220, nananatiling hungkag ang ipinangakong awtonomiya. Ang mga istrukturang itinayo matapos ang Mt. Data Sipat ay hindi nagbunga ng tunay na sariling pagpapasya kundi naging bahagi ng kontra-insurhensya at paghahati sa mamamayan. Hanggang ngayon, nananatiling nasa kamay ng pambansang estado ang kapangyarihan habang ang karapatan ng mga katutubo ay patuloy na isinasantabi.
Pinatutunayan ito ng kalagayan ng Kalinga. Ang lupaing minsang ipinagtanggol laban sa Chico Dam ay muling hinaharap ang banta ng malawakang pagmimina, mga mapangwasak na proyektong dam, pang-aagaw sa lupaing ninuno, at militarisasyon ng mga komunidad. Habang kinikilala sa salita ang kultura ng mga katutubo, patuloy namang ipinagkakait ang kanilang karapatan sa sariling pagpapasya upang bigyang-daan ang interes ng malalaking dayuhang korporasyon, lokal na naghaharing uri, at burukratang kapitalista. Ito ang kongkretong mukha ng pambansang pang-aapi sa Kordilyera.
Sa kasalukuyan, patuloy na kinakaharap ng Kalinga ang samu't saring anyo ng development aggression. Kabilang dito ang operasyon ng Makilala Mining Company, Inc. at FCF Minerals Corporation sa Brgy. Balatoc, Pasil, ang mapangwasak na Saltan River Dam Projects sa munisipyo ng Pinukpuk at Balbalan, at ang mga proyektong road widening sa Tabuk na nagdudulot ng pagkaputol ng daan-daang puno. Sa ngalan ng kaunlaran, ipinapataw ang mga proyektong ito nang hindi tunay na kinikilala ang karapatan ng mga katutubo sa kanilang lupaing ninuno at sariling pagpapasya. Hindi ito hiwa-hiwalay na mga usapin kundi magkakaugnay na manipestasyon ng pambansang pang-aapi at pandarambong sa likas na yaman ng Kalinga, na pangunahing nagsisilbi sa interes ng malalaking korporasyon at dayuhang kapital sa halip na sa kapakanan ng mamamayan.
Dahil dito, hindi maibibigay ng Kongreso, ng Executive Order No. 220, o ng mga tradisyunal na pulitiko ang tunay na rehiyonal na awtonomiya. Ang awtonomiyang nananatili sa balangkas ng malakolonyal at malapyudal na lipunan ay mananatiling hungkag. Ang tunay na awtonomiya ay nangangahulugan ng ganap na pagkilala sa karapatan ng mga katutubo sa kanilang lupaing ninuno, kultura, likas na yaman, at sariling pagpapasya. Makakamit lamang ito sa pamamagitan ng pambansa-demokratikong pakikibaka laban sa imperyalismo, pyudalismo, at burukrata kapitalismoβang mga ugat ng pambansang pang-aapi at pagsasamantala sa Kordilyera at sa buong bansa.
Kaya't nananawagan kami sa kabataang-estudyante, manggagawa, magsasaka, mga katutubong mamamayan, at lahat ng demokratikong pwersa sa Kalinga at buong Kordilyera: ipagpatuloy ang diwa ng Chico River resistance. Tutulan ang huwad na Kordilyera Day ng Hulyo 15. Labanan ang pagmimina, mapangwasak na mga dam, militarisasyon, at lahat ng anyo ng pambansang pang-aapi. Magkaisa at mag-organisa upang isulong ang tunay na awtonomiya, sariling pagpapasya, at pambansang kalayaan.