12/12/2025
PAHAYAG NG UPAAS HINGGIL SA KORAPSYON LALO NA SA MGA PROYEKTONG FLOOD CONTROL
Kabilang ang University of the Philippines Alumni Association - Switzerland (UPAAS) sa milyon-milyong Pilipino na mariing kumukundena sa pagnanakaw sa kaban ng bayan, pati sa mga kawatan at tiwaling opisyal ng pamahalaan na nasa likod ng karumal-dumal na gawaing ito. Ilang buwan na ang lumipas mula nang unang maisiwalat ang malawakang korapsyon sa mga proyektong flood control ng pamahalaan. Sa kabila ng napakaraming pangalang nabanggit sa mga sinumpaang salaysay at testimonya sa Blue Ribbon Committee at Independent Commission on Infrastructure (ICI), tatlong senador, walong kongresista[ ], at iilang kontraktor at DPWH undersecretaries pa lamang ang sinampahan ng mga kasong kriminal at administratibo. Nananatili namang malaya at walang kaso ang karamihan sa mga mataas na opsiyal na itinuturong mastermind sa mga maanomalyang proyekto at budget insertion.
Sa nagdaang mga linggo ay kaliwa’t kanan ang mga rebelasyon, turuan, cover-up, at oportunismo sa pagitan ng mga politikong pawang sangkot rin naman sa malawakang katiwalian. Mahirap paniwalaang may maaabot na tunay na pagpapanagot at pagpapakulong sa mga kurakot, kung sila-sila lang rin ang mag-iimbestigahan at inaasahang magpasa ng batas upang iwaksi ang kanilang sariling kalakaran. Bakit, may nakulong bang mga buwaya at malalaking tao? Na-freeze at nasamsam ba ang mga ninakaw sa mga nakaraang NBN-ZTE, Malampaya, Fertilizer, Pork barrel, Napoles at Pharmally scams?
Ang Kongreso ang #1 na sindikato sa bansa. Hindi lamang kaban ng bayan ang niyuyurakan nito, kundi maging ang puri ng Pilipinas at ang mismong kinabukasan ng ating sambayanan. Hindi rin natatapos sa usapin ng palpak na flood control ang korapsyon. Sa tantya ng Ombudsman, di-bababa sa P700-bilyon hanggang P1.2-trilyon ng pambansang badyet ang ninanakaw kada taon.
Bilang paghahambing, gumugol ang Japan ng humigit-kumulang $2.2 bilyon (P120 bilyon) para sa matagumpay na G-Cans (flood control) Project sa Tokyo mula 1992 hanggang 2006. Samantala, higit na mataas ang taunang gastos ng Pilipinas para sa mga proyektong flood control, na nasa $3.4 billion (P185.78 bilyon) noong 2023. Nasa P255 bilyon naman ang orihinal na inilaan sa ilalim ng 2026 National Expenditure Program. Katumbas ng higit anim na G-Cans Project ang inilaang pondo ng Pilipinas para sa flood control mula 2023-2026! O katumbas na sana ito ng higit-P12,000 na tulong-medikal para sa bawat Pilipino, 12.5-milyong tonelada ng palay, o tatlong milyong yunit ng pabahay para sa maralita.[ ] Ang bawat insidente ng pangungurakot ay pagwasak rin sa mga serbisyong pangkalusugan, edukasyon, at imprastruktura; habang patuloy na nilulunod sa hirap, gutom, at utang ang mamamayan at pinag-aaway-away para sa kakarampot lamang.
Tindig ng UPAAS: Tama na! Iwaksi ang malawakang korapsyon sa pamahalaan! Ibalik ang lahat ng ninakaw at ikulong na yang mga kurakot!
Aming ihinahain ang ilang panawagan at mungkahing reporma na naglalayong panagutin ang mga sangkot sa korapsyon, at pahigpitin ang mga sistema laban sa pangungurakot ng mga pampublikong opisyal:
• Ibalik ang lahat ng ninakaw! Lahat ng sangkot, dapat managot! Dapat bawiin at maibalik ang lahat ng asset at kayamanan ng mga kontraktor at opisyal na nagmula sa pera ng taumbayan. Kailangan ng mga tunay at may-pangil na imbestigasyon upang maipataw ang karampatang parusa at pagpapakulong sa lahat ng guilty. Hindi sapat ang pag-freeze ng mga asset sa bangko ng mga kurakot. Maaari rin silang kasuhan ng economic sabotage bilang pagkilala sa malubhang epekto ng pangungurakot sa pambansang ekonomiya, stock market, turismo, at halaga ng piso sa pandaigdigang palitan.
• Pagpapalakas sa mga kasalukuyang batas, at prosesong legal para sa pagpapasimple at pagpapabilis ng proseso ng imbestigasyon:
1. Hinggil sa beneficial owners law; upang hindi magamit ang sistema ng shareholding upang itago ng mga tiwaling opisyal at kontraktor ang kanilang mga pinagkakakitaang proyekto at negosyo, lalo na sa mga pampublikong proyekto; at
2. Hinggil sa money laundering; partikular upang magkaroon ng mas malinaw na paper trail ang mga depositong may malalaking halaga, nang hindi natatali ang imbestigasyon sa kahirapang pag-ugnayin ang iba’t ibang transaksyon. Marapat lamang na pasanin ng pinaghihinalaan at hindi ng nag-iimbestiga ang burden of proof kaugnay ng pinagmulan ng kwestyonableng salapi.
• Repormahin at pataasin ang kapasidad ng DPWH! Dagdag sa internal na korapsyon, malubha rin ang problema ng kagawaran sa kakulangan ng mga in-house na eksperto, lakas-tao at makinarya. Maaaring mabawasan ang mga problema sa pandaraya sa proseso ng bidding at inspeksyon, at mga bulok, substandard, at ghost project kung babawasan din ang outsourcing ng mga pampublikong proyekto, at kung angkinin ng kagawaran ang buong proseso ng paggawa. Mapadadali rin ang pagpapanagot sa mga tiwaling opisyal kung sa loob lamang ng kagawaran kailangang ilunsad ang mga imbestigasyon, kaysa sa paikot-ikot na paghahanap ng mga koneksyon sa mga sangkot na kontraktor at opisyal.
• Mas palakasin ang NBI at muling paganahin ang EIIB! Sa panahong may malawakang korapsyon, maaaring muling paganahin ang Economic Intelligence and Investigation Bureau (EIIB), na ipinatigil noon ni dating Pangulong Joseph Estrada, bilang ahensyang tututok sa pagsisiwalat at pag-iimbestiga sa mga tangkang pagnanakaw sa kaban ng bayan. Kung matatandaan , kinasuhan ng plunder si Estrada noon. Kaugnay ito ng kaniyang pagkakamal ng nakaw na yamang higit sa apat na bilyong piso mula sa iligal na sugal, To***co Excise Tax, pagbili ng GSIS at SSS ng shares of stock, at pagpapanatili ng mga lihim na bank account. Bakit hindi natin palakasin at bigyan ng higit na kapangyarihan ang mga kasalukuyang ahensya tulad ng NBI?
• Palakasin at higpitan ang mga internal na proseso ng Kongreso! Puro investigation in aid of legislation, hindi naman ito nagbunga ng mga aktwal na bagong batas o amyenda sa umiiral na batas. Kailangan ding palakasin at bigyang-pangil ang internal rules ng Kongreso. Hindi sapat ang mga kasalukuyang parusa. Mabigat ang kanilang responsabilidad kaya dapat mabigat rin ang karampatang parusa, kagaya ng pagkakulong, para sa mga napatunayang may kinalaman sa korapsyon. Dapat din ay maging mas aksesible sa publiko ang mga dokumento, katitikan, at arkibo ng mga pagpupulong ng mga komite, working group, atbp. Tuluyang ipagbawal ang pagiging congtractor. Gobierno o negosyo? Bawal ang namamangka sa dalawang ilog.
• Reporma sa appointments. Sa kasalukuyan, ang lalim ng appointments, mula secretaries ng mga departamento hanggang sa antas ng director. Libo-libong posisyon ang pinamimigay sa mga may koneksyon. Di nakapagtatakang hindi tayo makapagtatag ng technocracy kung saan may malinaw at sapat na kaalamang siyentipiko at teknolohikal ang mga namumuno sa mga departamento at ahensiya ng pamahalaan. Nakalulungkot na nananatiling pagsandig sa koneksyon at palakasan pa rin ang namamayani. Malaking hadlang ito sa mga merito at kakayahan ang pinanghahawakan.
Tama na, iwaksi na ang malawakang korapsyon sa pamahalaan! Ibalik ang lahat ng ninakaw at ikulong na yang mga kurakot!