23/09/2025
Dahil Anti-Corruption Ako
(by Pastorney Jeremiah Belgica)
Sa mga kababayan nating sasama sa mga kilos-protesta laban sa korapsyon—lalo na ngayong binulgar na naman ang mga proyekto sa flood control at iba pang katiwalian—nawa’y huwag lamang tayo tumingin sa pagkukulang ng nasa pamahalaan. Totoo, malaki ang pananagutan ng mga opisyal na nagnanakaw sa kaban ng bayan. Ngunit totoo rin na ang kultura ng korapsyon ay lumalago dahil sa maliliit na bagay na ating pinapabayaan.
Kung nais nating tunay na baguhin ang sistema, dapat magsimula sa atin mismo. Kaya’t bago tayo sumigaw sa lansangan, gawin muna nating personal ang panawagan na ito. Sapagkat ang tunay na anti-corruption ay hindi lang protesta, kundi pamumuhay araw-araw na tapat at makatarungan.
Ito nawa ang ating panata:
1. Sa Aking Sarili at Pamilya
• Inaalagaan ko ang aking sariling pamilya.
• Tapat ako sa aking asawa at tapat sa aking mga anak.
• Tinuturuan ko ng tama ang aking mga anak at ginagabayan silang maging tapat na mamamayan.
• Pinipili kong mabuti ang aking mga kaibigan at hindi nakikisama sa masamang gawain.
• Inaalagaan ko ang aking pangalan at dangal.
• Pinagyayaman ko ang aking kaisipan at hindi sinasayang ang oras ko.
2. Sa Aking Trabaho at Propesyon
• Pumapasok ako ng tamang oras at tapat sa trabaho.
• Hindi ko ginagamit para sa pansarili ang gamit ng opisina.
• Hindi ako nangangamkam ng trabahong hindi akin.
• Hindi ko dinadaya ang aking mga kliyente o pinapabayaan ang aking serbisyo.
• Hindi ako nanunuhol para manalo sa kaso o makalusot sa parusa.
• Hindi ako nangongopya, nanlalamang, o nagdadaya sa eskwela at sa trabaho.
• Lumalaban ako ng patas sa lahat ng larangan.
3. Sa Aking Pagiging Mamamayan
• Nagbabayad ako ng tamang buwis.
• Hindi ako namemeke ng ID o dokumento.
• Hindi ako bumibili ng pekeng produkto.
• Sumusunod ako sa batas trapiko:
• Tumatawid ako sa tamang tawiran.
• Pumipila ako ng tama.
• Hindi ako agad nagagalit o nagiging marahas sa kalsada.
• Hindi ako naglalagay o nagaaway ng traffic enforcers.
• Hindi ako nagsusugal o sumusuporta sa bisyo ng lipunan.
• Hindi ako nagkakalat ng tsismis, lalo na kung hindi ko alam ang totoo.
• Ginagalang ko ang aking mga nakatatanda at nagiging mabuting ehemplo sa nakababata.
• Hindi ako humihingi o tumatanggap ng pera mula sa mga kandidato sa panahon ng eleksyon.
• Hindi ako nakikisangkot sa vote buying o panlilinlang ng mga botante.
• Pinag-aaralan ko nang mabuti ang mga isyu bago bumoto o magdesisyon, at handang makinig sa lahat ng panig, hindi lang sa gusto kong pakinggan.
4. Sa Pagharap sa Katotohanan at Katarungan
• Nagsasabi ako ng totoo kahit mahirap.
• Hindi ako nagsisinungaling sa pamilya, kaibigan, at kapwa.
• Handa akong humarap sa anumang imbestigasyon nang buong tapang at kooperasyon upang lumabas ang katotohanan.
• Naniniwala ako na ang kasamaan at katiwalian ay hindi nakakulong sa isang partido lamang. Kaya’t bukas ang isip ko sa pakikipagkapwa para sa ikabubuti ng bayan.
• Naninindigan ako na lahat ng pinuno ay dapat managot sa batas—kahit sino pa sila, kahit mula sa partido na gusto ko, at hindi lamang ang mga kinamumuhian ko sa pulitika.
• Sinusuri ko muna ang balita, usap-usapan, at mga alegasyon bago maniwala, sapagkat ang maling hatol ay isa ring anyo ng korapsyon.
5. Sa Pagmamahal at Paglilingkod sa Kapwa
• Naaalala ko ang mahihirap, mahihina, ulila, at balo—hindi sila tinatapakan kundi minamahal, tinutulungan, at ipinaglalaban.
• Gumagamit ako ng aking mga kaloob, kakayahan, lakas, at yaman upang maging pagpapala sa iba at sa bayan.
• Nakikibahagi ako sa mga gawaing nagtataguyod ng katarungan, awa, at kapayapaan.
• Pinipili kong maging mahabagin at makatao, hindi mapang-abuso at makasarili.
6. Sa Pananampalataya at Bayan
• Nanalangin ako para sa aking bayan.
• Ipinapanalangin ko ang aking mga pinuno—mula Pangulo, Bise Presidente, mga Senador at Kongresista, mga Mahistrado, mga Hukom, mga Gobernador at Alkalde, mga Sangguniang Bayan at Barangay, at maging ang SK.
• Ninanais ko ang kalooban ng Diyos sa aking bayang Pilipinas.
• Ako’y bukas sa pagtutuwid ng Diyos at naninindigang ang tunay na pagbabago ay nagsisimula sa Kanyang biyaya.
Mga kababayan, ang laban kontra korapsyon ay hindi natatapos sa lansangan. Nagsisimula ito sa ating sariling tahanan, sa ating puso, at sa ating araw-araw na pamumuhay. Ang pagbabago ay hindi lamang hihintayin sa Malacañang o sa Kongreso—kundi isasabuhay natin sa bawat simpleng desisyon.
Dahil Anti-Corruption Ako, pipiliin kong maging matapat.
Dahil Anti-Corruption Ako, ipapamana ko ang tamang halimbawa sa susunod na henerasyon.
Dahil Anti-Corruption Ako, hindi ako susuko sa laban para sa isang malinis at maunlad na Pilipinas.
Tayo mismo ang magtatayo ng isang bansang hindi binabalot ng kasinungalingan, kundi pinaghaharian ng katotohanan, katarungan, at Diyos.
Pagplain tyo ng Diyos!