12/08/2025
Bagong Bayani ng Mundo – OFW Serbisyo Caravan in Jeddah August 8-9 2025.
Lubos po kaming nagpapasalamat sa buong suporta ng Samahang Agila sa matagumpay na pagdaraos ng 2-Day OFW Serbisyo Caravan sa Jeddah. Kabilang dito ang kanilang pagbibigay ng donasyong tubig, pagtulong bilang mga marshal, at paggabay sa ating mga Overseas Filipino Workers (OFW) upang maisagawa ang aktibidad nang maayos at mapayapa.
Sa nasabing caravan, maraming OFW ang nakatanggap ng serbisyo mula sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan, kabilang ang Philippine Statistics Authority (PSA), Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), Pag-IBIG Fund, PhilHealth, Land Bank, Migrant Workers Office (MWO), Social Security System (SSS), Department of Social Welfare and Development (DSWD), at Public Attorney’s Office (PAO).
Ipinapaabot din namin ang aming taos-pusong pasasalamat sa iba’t ibang organisasyon na naging katuwang sa tagumpay ng programa, tulad ng Overseas Council of Leaders (OCL), Guardians, Philippine Nurses Association, at Liaison Officer Association.
Kinikilala rin natin ang suporta at dedikasyon ng mga opisyal ng pamahalaan, kabilang sina DMW Secretary Hans Leo Cacdac, Consul General ng Jeddah Rommel Romato, Labor Attache Fidel Macauyag, at iba pang mga opisyal na walang sawang naglilingkod para sa kapakanan ng ating mga kababayan at lalo na sa president ng Pilpinas na si Ferdinand B**g B**g Marcos Jr.
Ipinahayag ng ating mahal na Gobernador Faisal Latif ang mga sumusunod na mungkahi at inisyatiba para sa kapakanan ng ating mga OFW:
1. Paglalagay ng PSA sa mga konsulado upang matugunan ang mahahalagang requirements ng ating mga OFW.
2. Pagbibigay Pahintulot ng edukasyon sa mga undocumented na anak ng OFW, sa pamamagitan ng koordinasyon ng Department of Migrant Workers (DMW) at Department of Foreign Affairs (DFA) sa Ministry of Foreign Affairs (MOFA) at Ministry of Education (MOE), upang mabigyan sila ng pag-asa na makapag-aral sa kabila ng problema sa kanilang iqama.
3. Pagsusulong ng pagtaas ng sahod ng mga household worker mula 1,500 SR tungo sa 2,000 SR, at paghihigpit sa mga kinakailangang requirements upang mabawasan ang mga problemang kinahaharap ng sektor na ito.
4. Inisyatiba ng Migrant Workers Office na ayusin ang work status ng mga local hire, kabilang ang pag-aayos ng kanilang iqama, pagbibigay ng medical insurance, at pagtitiyak na ito ay compliant sa labor law.
Ang Bagong Bayani ng Mundo – OFW Serbisyo Caravan ay patunay ng ating patuloy na adhikain na mapangalagaan ang kapakanan at karapatan ng ating mga OFW, at masiguro ang maayos at makatarungang pagtatrabaho sa ibang bansa.
Sana maulit po eto. Maraming Salamat!