25/05/2026
BANTAY SUNOG PROJECT, NAIPASA NA SA 21ST REGULAR SESSION NG SANGGUNIANG PANLUNGSOD
Isang mahalagang hakbang tungo sa mas ligtas at mas handang komunidad ang naisakatuparan matapos tuluyang maipasa ang Bantay Sunog Project sa ginanap na 21st Regular Session ng Sangguniang Panlungsod ng Olongapo.
Ang nasabing ordinansa ay inakda ni Liga ng mga Barangay sa Pilipinas Olongapo City Chapter President Councilor Echie Ponge, katuwang si Councilor Jamiel Khonghun Escalona, Chairman ng Committee on Public Safety and Disaster Management. Layunin ng proyekto na palakasin ang kahandaan at koordinasyon ng lungsod sa pag-iwas at agarang pagtugon sa mga insidente ng sunog, partikular sa mga barangay na mas mataas ang panganib sa grass fires at iba pang uri ng sunog.
Bago ang pagpasa nito sa Third at Final Reading, dumaan muna ang panukala sa masusing deliberasyon sa Second Reading, kung saan tinalakay ang mga kinakailangang hakbang at mekanismo upang matiyak ang maayos at epektibong implementasyon ng ordinansa. Bahagi rin ng proseso ang pakikipag-ugnayan sa ibaโt ibang ahensya na magiging katuwang sa pagpapatupad ng programa.
Kabilang sa mga dumalo sa deliberasyon noong Second Reading ang mga kinatawan mula sa ibaโt ibang ahensya ng pamahalaan. Mula sa Bureau of Fire Protection (BFP), nanguna sina Fire Senior Superintendent Josie G. Lising at Senior Fire Officer 2 Cristopher D. Sotto. Dumalo rin si Engr. Franz Eduarte mula sa City Planning and Development Office (CPDO), Engr. Loreli Ricasa mula sa Environmental Sanitation Management Office (ESMO), Engr. Bobby Alvarez mula sa City Engineering Office, at si Sir. Jeffrey Lapid mula sa City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO).
Sa tuluyang pagpasa ng ordinansa, inaasahang mas mapapalakas ang mga hakbang ng lungsod sa fire prevention, preparedness, at mabilis na emergency response sa antas ng barangay. Itinuturing din itong mahalagang hakbang sa pagpapatibay ng kaligtasan ng mga residente at pangangalaga sa komunidad laban sa panganib ng sunog.