20/03/2026
CTO, SUMASAILALIM SA CAVE ASSESSMENT CAPACITY TRAINING; TAMANG KAALAMAN SA PAGSUSURI AT PANGANGALAGA SA KUWEBA, BINIGYANG-DIIN SA PAGSASANAY
Kasalukuyang sumasailalim sa tatlong-araw na Cave Assessment training ang mga kawani ng Cagayan Tourism Office (CTO) upang mapalakas ang kanilang kakayahan sa tamang pagsusuri at pangangalaga ng mga kuweba sa lalawigan, kabilang ang pamosong Callao Caves sa Peñablanca.
Pinangunahan ni Provincial Tourism Officer EnP. Jenifer Junio-Baquiran ang pagsasanay, na bahagi ng capacity development program ng CTO bilang miyembro ng Regional Cave Assessment Committee ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) R02. Ayon kay Junio-Baquiran, mahalaga ang kaalaman sa cave assessment upang matiyak na ligtas at maayos ang pamamahala ng mga kuweba, pati na rin ang paggabay sa mga turista.
“Bilang miyembro nito, kasali tayo sa pagsasagawa ng cave classification approval, magbibigay ng rekomendasyon sa pamamahala ng mga aktibidad dito tulad ng tourism activities, pagpapatupad ng mga polisiya, at pagmo-monitor sa pangangalaga sa ating mga kuweba. Alam natin na marami tayong kuweba sa Cagayan gaya na lamang ang pamosong Callao Caves sa bayan ng Peñablanca. Dahil dito, nararapat lamang na may kaalaman ang CTO sa cave assessment. Napakahalaga nito dahil ang ating mga kuweba tulad ng Callao Caves ay nasa protected area,” sambit ni EnP. Junio-Baquiran.
Nalaman din mula kay EnP. Junio-Baquiran na masusi ang pagsusuri sa mga kuweba dahil hindi lahat ay para sa turista. Tatlo, aniya ang uri ng mga kuweba ayon sa Republic Act No. 9072 (National Caves and Cave Resources Management and Protection Act). Ang mga ito ay:
• Class I: Mga kuwebang may maseselang geological formations, threatened species, at archaeological value. Ang pagpasok ay limitado lamang para sa siyentipiko o sa pang-edukasyon na pagmamapa.
• Class II: Mga kuwebang may sensitibong katangian at mga mapanganib na bahagi, ngunit maaaring isara sa partikular na panahon o gamitin para sa guided educational tours. Halimbawa nito ay ang Sierra Caves sa Penablanca na limitado lamang ang access.
• Class III: Mga kuwebang ligtas para sa publiko at mga turista. Halimbawa nito ang Callao Caves na bukas sa publiko.
Samantala, mahigpit naman ang pagpapatupad ng Pamalahalaang Panlalawigan ng Cagayan sa ‘carrying capacity’ ng Callao Caves na dapat ay hanggang 439 katao lamang sa isang buong araw.
“Kailan ito upang masiguro na mapangalagaan talaga ang ating kuweba. Hindi lamang tayo nakatuon sa pagtaas ng tourist arrivals sa ating lalawigan, higit nating isinasaisip ang impact ng tourism activities sa ating kalikasan,” sambit pa din ni EnP. Junio-Baquiran.
Sa unang dalawang araw ng pagsasanay sa cave assessment ay matututo ang mga CTO Staff mula sa lectures ng Cagayan Valley Conservancy bilang tagapagsalita at tagapagsanay. Sa ikatlong araw, Marso 19, 2026 ay isang actual cave assessment activity ang gagawin ng mga ito sa Sierra Cave kung saan susuriin nila ang kuweba. (Mia Baquiran)