29/11/2025
Editoryal: Mas Malawak, Mas Matatag na Tugon sa Kalagayan ng mga Bajau
Araw-araw, tanawin na sa Tacloban City at maging sa progresibong bayan ng Palo, Leyte ang presensya ng mga Bajau na namamalimos sa kalsada—umaaligid sa mga sasakyang pansamantalang humihinto sa mga traffic light at interseksyon. Habang papalapit ang Pasko, dumarami pa sila sa mga komersiyal na distrito, bitbit ang kanilang mga sanggol upang umantig sa damdamin ng publiko. At dahil likas na maawain ang mga Pilipino, patuloy ang pag-abot ng limos.
Hindi masama ang magbahagi, lalo na kung tunay na nangangailangan. Ngunit may punto ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa pakiusap na huwag sanang magbigay ng limos, sapagkat lalo nitong hinihikayat ang araw-araw na pamamalimos bilang ikinabubuhay. Lalong masaklap, hindi naipapasok sa paaralan ang mga bata, at ginagamit pa bilang pang-akit—madalas marumi, pagod, at lantad sa panganib.
May Anti-Mendicancy Law (PD 1563) na matagal nang umiiral upang supilin ang pamamalimos. Mayroon ding Indigenous Peoples’ Rights Act (IPRA, RA 8371) na nagbibigay ng karapatan at proteksiyon sa mga katutubong tulad ng mga Bajau. At may mga programa ang DSWD tulad ng Comprehensive Program for Street Children, Street Families, and Indigenous Peoples, kabilang na ang livelihood training, educational assistance, at ayuda sa dokumentasyon. Sa BARMM, may Layag Bajau Program na nagbibigay ng kabuhayan, edukasyon, at social welfare services.
Ngunit ang tanong: nasaan ang tunay na epekto?
Mayroon tayong 317 congressmen at 24 senators na gumagawa ng mga batas. Ngunit may naipasa ba silang batas na may malinaw, nakalaan, at sapat na pondo na nakatutok sa edukasyon, skills training, kabuhayan, at pangmatagalang pag-angat ng mga pamilyang tulad ng Bajau? Kung mayroon man, naipatupad ba ito nang tapat at masinsinan ng mga kinauukulang ahensya at lokal na pamahalaan?
Ang salitang “mendicancy” ay madaling gamitin ng pulisya o enforcer upang supilin ang mga namamalimos. Ngunit hindi nito sinasagot ang ugat ng kahirapan. Hindi nito nalulutas ang kawalan ng edukasyon, kakulangan sa dokumento, pangangailangang pangkalusugan, o diskriminasyong matagal nang kinakaharap ng mga Bajau.
Hindi sila kulang sa talino, talento, o abilidad. Hindi sila kulang sa potensyal. Kulang sila sa oportunidad. Kung mabibigyan lamang ng tamang pagsasanay, exposure, matatag na suporta, at malinaw na landas tungo sa kabuhayan, kaya nilang maging produktibong bahagi ng lipunan. Kaya nilang makahanap ng mas maayos na kabuhayan kaysa magpalimos sa lansangan at ilantad ang kanilang mga anak sa gutom, sakit, at aksidente.
Kaya ang tanong na dapat sagutin ng pamahalaan:
Dapat ba natin silang pabayaan sa kalsada, o iligtas mula sa panganib at bigyan ng bagong simula?
Ang sagot ay malinaw: kailangang kumilos ang gobyerno, at kumilos ngayon.
Hindi sapat ang rescue operations kung wala namang long-term support.
Hindi sapat ang anti-mendicancy operations kung walang alternatibong kabuhayan.
Hindi sapat ang existing programs kung hindi ito naipapatupad nang masinop at tuluy-tuloy.
Panahon na para sa mas makabuluhan, mas naka-budget, at mas nakatuong pambansang polisiya para sa mga Bajau at iba pang street-dwelling communities—hindi para parusahan sila, kundi para iangat sila. Huwag nating hayaang lumaki ang mga bata sa kalsada at hindi sa paaralan. Huwag nating hayaang manatili silang nasa gilid ng lipunan, habang tayo’y dumaraan lamang sa kanila araw-araw.
Dahil sa bandang huli, ang tunay na sukatan ng isang lipunan ay hindi kung gaano karami ang naitayong gusali—kundi kung paano nito inaalalayan ang mga pinaka-naliligaw, pinaka-nahuhulog, at pinaka-nakakaligtaan.
--------
Paunawa: Ang mga letratong nasa baba ay hindi pa aktuwal na kuha sa mga eksena sa Tacloban City at Palo, Leyte. Mga published photo po yan sa ibang lugar. Ito po ay bilang imaheng suporta lamang sa balita-ilalabas din namin ang mga aktuwal na kuha sa Tacloban City at Palo, Leyte sa mga susunod na araw.