15/10/2026
PATAY NA DOLPHIN, NATAGPUANG NAPADPAD SA BAYBAYIN NG BULUSAN, SORSOGON
Wala nang buhay nang matagpuan ang isang dolphin na napadpad at palutang-lutang malapit sa baybayin na sakop ng Barangay Dapdap, Bulusan, Sorsogon, nitong umaga ng Oktubre 14, 2026.
Agad itong ipinagbigay-alam ng isang concerned citizen sa mga opisyal ng barangay, na kaagad namang nakipag-ugnayan sa Municipal Environment and Natural Resources Office (MENRO) ng Bulusan. Agad na nagtungo sa lugar ang mga kinatawan ng MENRO kasama ang mga tauhan ng Bulusan Municipal Police Station (Bulusan-MPS).
Sa tulong ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) Sorsogon at Municipal Agriculture Office (MAO), maayos na inilibing ang nasabing dolphin sa pakikipagtulungan ng barangay at mga residente.
Batay sa isinagawang pagsukat, ang dolphin ay may habang 2.7 metro, body circumference na 1.3 metro, at tinatayang bigat na 200 kilo.
Photo: Bulusan-MENRO