18/10/2025
NEWS RELEASE
Overseas Workers Welfare Administration (OWWA)
16 October 2025
Tiwala ng Publiko sa Serbisyo para sa OFWs, Inspirasyon para sa Alagang OWWA, Serbisyong may PUSO
Ikinagagalak ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) ang resulta ng pinakabagong Pulse Asia survey na isinagawa noong Setyembre 27–30, 2025, kung saan nakuha ng pamahalaan ang 58% approval rating sa proteksyon at kapakanan ng overseas Filipino workers (OFWs)—ang pinakamataas sa lahat ng isyung tinanong sa survey.
Ayon kay OWWA Administrator PY Caunan, “Ang mataas na kumpiyansa ng publiko ay patunay na nararamdaman ng ating mga OFW ang malasakit ng pamahalaan. Pero hindi ito dahilan para maging kampante—utos ng Pangulo na patuloy nating pabilisin, pagandahin, at gawing mas madali ang serbisyo para sa bawat OFW.”
Bahagi ng repormang ito ang digitalization ng mga serbisyo ng OWWA at DMW, katuwang ang Department of Information and Communications Technology (DICT). Sa pamamagitan ng eGov PH App, mas mabilis na makakadulog o makakahingi ng tulong ang mga OFW at kanilang pamilya para sa mga welfare concerns, repatriation requests, o membership services—kahit saan sila sa mundo.
Patuloy ding pinapalakas ang mga programang nagbibigay ng direktang tulong sa mga OFW at pamilya:
• Alagang OWWA Botika at Yakap center para sa agarang tulong medical at libreng gamot,
• Mas mabilis at mas malakas na OWWA E-card
• OFW Lounges sa mga paliparan, at
• Seafarers’ Welfare Centers ng ating mga marino.
“Ang tiwala ng publiko ay inspirasyon para sa amin na magtrabaho nang mas mabilis, mas tapat, at mas may puso. Sa Alagang OWWA, Serbisyong may Puso, patuloy naming ihahatid ang serbisyong tunay na mararamdaman ng bawat OFW at pamilya,” dagdag ni Caunan.
Sa ilalim ng Bagong Pilipinas, layunin ng DMW at OWWA na gawing mas moderno, episyente, at may malasakit ang serbisyo publiko—para sa bawat OFW, saan mang panig ng mundo.