27/07/2026
Sa gitna ng patuloy na pagguho ng mga kagubatan, paglawak ng pagmimina, reklamasyon, at iba pang proyektong may malalim na epekto sa kalikasan, muling ipinapaalala ng mga Aeta at iba pang katutubong pamayanan na ang usapin ng pangangalaga sa kapaligiran ay usapin din ng karapatang pantao. Sa iba't ibang bahagi ng Luzon, patuloy nilang ipinaglalaban ang kanilang mga lupang ninuno, kabuhayan, at karapatang manatili sa mga pamayanang matagal na nilang tinatawag na tahanan.
Nananatiling mabigat ang pasaning dinadala ng maraming pamayanang Aeta sa bansa. Sa Capas, Tarlac, tumututol ang mga Aeta sa mga restriksiyong umano'y pumipigil sa kanila na makapagpatayo ng kanilang mga tahanan at makatanggap ng mga pangunahing pangangailangan sa kanilang komunidad. Samantala, sa Subic, Zambales, matagal nang hinaharap ng mga Aeta ang epekto ng iligal na pagtatapon ng basura sa kanilang lupang ninuno. Ipinapakita ng mga pangyayaring ito ang pangangailangang tiyaking ang mga patakaran, proyekto, at iba pang hakbang ng pamahalaan ay may paggalang sa karapatan at kapakanan ng mga katutubong pamayanan.
Kasabay nito, patuloy ding nananawagan ang iba't ibang mga organisasyon ng mga magsasaka, mangingisda, at environmental advocates laban sa patuloy na deforestation, land conversion, pagmimina, at iba pang gawaing nagdudulot ng pagkasira ng kalikasan. Ang mga usaping ito ay hindi lamang usapin ng biodiversity o likas na yaman, kundi ng seguridad sa pagkain, kabuhayan, at kinabukasan ng mga pamayanang direktang umaasa sa kalikasan.
Nananawagan ang OSCI Student Volunteers sa Department of Environment and Natural Resources na higit pang paigtingin ang pagpapatupad ng mga batas pangkalikasan, panagutin ang mga lumalabag sa environmental regulations, at isulong ang makabuluhang konsultasyon sa mga katutubo at lokal na komunidad bago aprubahan ang mga proyektong may epekto sa kanilang lupain at kabuhayan. Kasabay nito, hinihikayat din namin ang administrasyong Marcos na tiyaking ang mga patakaran sa kaunlaran ay nakabatay sa pangangalaga sa kalikasan, paggalang sa karapatang pantao, at pagsunod sa mga karapatan ng mga katutubong pamayanan na kinikilala ng batas.
Ang pangangalaga sa kalikasan ay hindi maaaring ihiwalay sa pangangalaga sa mga taong matagal nang nagsisilbing tagapangalaga nito. Ang tunay na pag-unlad ay nasusukat hindi lamang sa mga proyektong naitatayo, kundi sa kakayahan ng pamahalaan na pangalagaan ang ating likas na yaman, igalang ang karapatan ng mga katutubo, at masiguro na walang komunidad ang naiiwan o isinasakripisyo sa ngalan ng pag-unlad.