23/04/2026
23 April 2026
MABUTING BALITA
Juan 6, 44-51
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan
Noong mga panahong iyon, sinabi ni Hesus sa mga tao, “Walang makalalapit sa akin malibang dalhin siya ng Amang nagsugo sa akin. At ang lalapit sa akin ay muli kong bubuhayin sa huling araw. Nasusulat sa aklat ng mga propeta, ‘At silang lahat ay tuturuan ng Diyos.’ Ang bawat nakikinig sa Ama at natututo ay lalapit sa akin. Hindi ito nangangahulugang may nakakita na sa Ama; yaong nagmula sa Diyos ang tanging nakakita sa Ama.
“Sinasabi ko sa inyo: ang nananalig sa akin ay may buhay na walang hanggan. Ako ang pagkaing nagbibigay-buhay. Kumain ng manna ang inyong mga ninuno nang sila’y nasa ilang, gayunma’y namatay sila. Ngunit ang sinumang kumain ng pagkaing bumaba mula sa langit ay hindi mamamatay. Ako ang pagkaing nagbibigay-buhay na bumaba mula sa langit. Mabubuhay magpakailanman ang sinumang kumain nito. At ang pagkaing ibibigay ko sa ikabubuhay ng sanlibutan ay ang aking laman.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PAGNINILAY:
Ano ang hamon at aral ng mga pagbasa ngayon?
Ang Salita ng Diyos, ang Mabuting Balita ang susi sa maligaya ay mapayapang buhay. Ang tinapay o ang pisikal na pagkain ay essential o kailangan ng tao upang mabuhay, upang maging malakas ang pag iisip at katawan. Ngunit paano naman magkakabuhay ang iyong espiritwal? Walang silbi ang iyong buhay na malakas na pisikal ngunit bulok naman ang espiritwal. Puro kapighatian at kalungkutan lamang ang daranasin mo. Upang matagpuan ang wagas na kaligayahan ay lumapit ka kay Hesus at manalig.
“Ang lumalapit sa akin ay hindi magugutom, at ang nanalig sa akin ay hindi mauuhaw”. Napakagandang pangako sa atin ni Hesus. Hanapin natin sya at magsisi na, humingi ng kapatawaran at sikapin nang matalikuran ang kadiliman.