17/07/2026
HABANG INIHAHANDA ANG STATE OF THE NATION ADDRESS, ILALAHAD NATIN ANG TUNAY NA STATE OF THE WORKERS!
Sunod-sunod ang pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin at serbisyo. Muling tumaas ang singil sa kuryente ng Meralco, patuloy na mabigat ang gastos sa tubig, pagkain at pamasahe ngunit nananatiling hindi nakabubuhay ang sahod. Kasabay nito ang lumalalang kawalan ng seguridad sa trabaho, tanggalan, kontraktwalisasyon at patuloy na paglabag sa karapatang mag-unyon at tumanggap ng makatarungang benepisyo.
Sa gitna ng lumalalim na krisis sa kabuhayan, mahalagang marinig ang tunay na boses ng uring manggagawa.
Bilang paghahanda sa State of the Nation Address (SONA) 2026, inilulunsad ng Defend Jobs Philippines ang State of the Workers Address (SOWA) – National Capital Region sa pakikipagtulungan sa All UP Workers Union. Isang pagtitipon ng mga manggagawa, unyon, people’s organizations at iba’t-ibang sektor upang ilahad ang tunay na kalagayan ng paggawa, talakayin ang mga pangunahing suliranin at pagtibayin ang sama-samang panawagan para sa nakabubuhay na sahod, seguridad sa trabaho, proteksyon sa kabuhayan, sapat na benepisyo at ganap na paggalang sa karapatang mag-unyon.
Kasabay nito, ipinagdiriwang din ng Defend Jobs Philippines ang ika-17 anibersaryo ng patuloy nitong pagsusulong ng karapatan at kapakanan ng uring manggagawa.
Makilahok. Makiisa. Magsalita. Hindi sapat na tayo lamang ang magbayad sa tumataas na cost of living. Sama-sama nating ipanawagan ang mga patakarang tunay na magpapagaan sa buhay ng mga manggagawa at mamamayan!
- 19 Hulyo 2026 (Linggo)
- 1:00 PM – 5:00 PM
- CMC Auditorium, Plaridel Hall, UP College of Mass Communication, UP Diliman
Sahod. Trabaho. Karapatan. Ipaglaban.