12/02/2025
**BUKAS NA LIHAM PARA SA MGA BOTANTE NG NUEVA ECIJA**
Mahal naming mga kababayan,
Sa darating na halalan, tayo na naman ay haharap sa isang mahalagang desisyon—ang pagpili ng mga bagong lider na mamumuno sa ating mahal na probinsya. Ngunit bago tayo bumoto, tanungin natin ang ating sarili: Sa matagal na panahon ng pamumuno ng iisang pamilya sa Nueva Ecija, tunay ba nating naramdaman ang pagbabago at kaunlaran? O nananatili pa rin tayong umaasa sa pansamantalang bigas at ayuda tuwing eleksyon?
Hindi natin maikakaila na maraming taon na ang lumipas, ngunit marami pa rin sa ating mga kababayan ang walang sapat na hanapbuhay. Marami sa atin ang napipilitang lumuwas ng Maynila o mangibang-bansa upang makahanap ng trabaho. Samantala, ang ating mga magsasaka ay patuloy na lugmok sa utang dahil sa kawalan ng tunay na suporta mula sa pamahalaan. Ang ating mga kabataan ay nangangarap ng magandang kinabukasan, ngunit kulang ang oportunidad upang ito’y kanilang makamit dito mismo sa ating bayan.
Higit pa rito, ang pamilyang kasalukuyang nakaupo ay nababalot ng samu’t saring kaso ng katiwalian. Ang mga kalsada sa ating probinsya ay sira-sira dahil sa garapalang quarry activities, kung saan kakaunti lamang ang napupunta sa kaban ng bayan sa kabila ng malawak na operasyon nito. Ang korapsyon at kabi-kabilang kaso ng katiwalian ng nakaupong pamilya ay patuloy na nagpapahirap sa ating probinsya. Ang ekonomiya ng Nueva Ecija, na dati ay nangunguna sa Central Luzon, ay napag-iwanan na at ngayo’y kulelat. Ang serbisyong pampubliko ay may pinipili, kung saan tanging mga tagasuporta lamang nila ang nakikinabang. Higit sa lahat, walang konkretong plano para sa buong probinsya, kaya’t wala tayong nakikitang tunay na direksyon para sa pag-unlad ng Nueva Ecija. Sa kabila ng paghihirap ng karamihan sa ating mga kababayan, ang ari-arian at mansyon ng pamilyang nakaupo ay patuloy na yumayabong, habang ang ordinaryong Novo Ecijano ay patuloy na nagdurusa sa kawalan ng oportunidad at maayos na pamumuhay.
Panahon na upang tayo ay magising. Hindi sapat ang pansamantalang ayuda na natatanggap natin tuwing eleksyon. Hindi sapat ang ilang proyektong pampapogi na ipinapakita sa atin. Ang tunay na pamamahala ay hindi nasusukat sa dami ng tarpaulin o pangalan sa mga gusali, kundi sa dami ng pamilyang umaangat mula sa kahirapan at bilang ng mga kababayan nating hindi na kailangang lumayo upang mabuhay nang disente.
Ang kapangyarihan ng pagbabago ay nasa ating mga kamay. Huwag nating sayangin ang ating boto sa iilang pamilya lamang na paulit-ulit nang namumuno ngunit wala namang tunay na naidudulot na pag-unlad. Huwag nating hayaang ang ating kinabukasan ay nakasalalay sa pamumudmod ng bigas at kaunting ayuda tuwing eleksyon. Tayo ay nararapat sa isang gobyernong tunay na nagmamalasakit, nagbubukas ng trabaho, at nagpapalakas sa agrikultura at lokal na industriya upang hindi na natin kailangang umasa sa iba.
Mga Novo Ecijano, ang pagbabago ay nagsisimula sa ating pagboto. Piliin natin ang mga lider na may tunay na malasakit sa ating bayan. Piliin natin ang pagbabago na magdadala ng mas maunlad at mas maayos na Nueva Ecija para sa lahat.
**Hindi na tayo dapat magpalinlang. Hindi na tayo dapat makuntento. Oras na upang magpalit ng liderato. Palayain na natin ang Nueva Ecija mula sa dinastiya!**
Maraming salamat, at nawa’y magdesisyon tayo para sa tunay na kinabukasan ng ating probinsya.
Lubos na gumagalang,
**Isang nagmamalasakit na Novo Ecijano**