03/08/2026
ATENISTA, MAKIBAKA! PAGLINGKURAN ANG MASA!
Nagkakaisang Pahayag ng mga Mag-aaral at Organisasyong Pang-estudyante ng Ateneo de Naga University para sa First Week Fight
Sa pagsisimula ng panibagong taon, ang nagkakaisang mga mag-aaral at organisasyong pang-estudyante ng Ateneo de Naga University ay nananawagan para sa tunay, kongkreto, at sistemikong reporma sa paaralan at lipunan. Pasan natin ang mga mabibigat na suliranin sa loob at labas ng paaralan, at mas malala pa rito ang bitbit ng ibang sektor ng lipunan. Dapat nating iboses ang mga isyung ito, hindi lamang para sa mga interes natin, kundi pati sa interes ng malawak na masa, dahil ang pakikibaka para paglutas ng mga isyung ito ay hindi mapaghihiwalay.
Bilang panimula, sa loob ng pamantasan, may mga estudyante na nagsasabing ang estado ng mga pasilidad ay hindi satisfactory at ang mga kagamitan ay minsa'y kulang-kulang. Ang mga silid-aralan ay mainit lalo na tuwing tanghali, pinapalala ng kawalan ng aircon (o kung mayroon man ay mahina at may lampas โฑ200 na Energy Fee) at hindi sapat na electric fan sa mga silid-aralan ng kolehiyo. Ang usapin ng maayos na bentilasyon at aircon ay usapin ng learning environment at welfare ng mga mag-aaral.
Naranasan din ng ibang estudyante ang kulang na chalk at marker para sa pisara ng mga silid-aralan at hindi satisfactory na kaayusan ng mga telebisyon. Ang pisara at TV ay parehong mga pangunahing kasangkapan ng pagtuturo, kaya naman ay nagiging hadlang sa pagkatuto ang hindi maayos na pag-maintain sa mga ito. Madalas ding reklamo ang pagiging mabagal ng ADNU Learning Hub Wifi. Maliban dito, kulang ang bidet, tissue, at sabon sa karamihan ng mga palikuran; hindi lamang ito abala, kundi suliraning pangkalinisan at pangkalusugan.
Maliban sa taong pang-akademikong ito, ilang taong naging derederetso ang Tuition and Other Fees Increase (TOFI) ng administrasyon. Sa ngayon, habang walang TOFI, amin pa ring panawagan ang pagtigil sa TOFI sa susunod na taon sapagkat kahit may mga salik gaya ng krisis sa ekonomiya na nagsasanhi ng TOFI, apektado rin ng parehong krisis na ito ang mga mag-aaral sa loob ng pamantasan, at naniniwala kami na ang edukasyon ay dapat accessible upang mabigyan ng oportunidad ang kapwa nating mga estudyante. Iginigiit din ng mga mag-aaral na hindi satisfactory ang pag-unlad ng mga pasilidad ng pamantasan sa gitna ng mataas na bayarin.
Maliban sa mga isyung pampamantasan, talamak din ang paglabag sa mga karapatan at kalayaang sibil at pulitikal ng mga estudyante. Matatandaan ang pagpunta ng mga pulis sa opisina ng ThePILLARS Publication habang naghahanda para sa isang kilos-protesta sa anibersaryo ng EDSA People Power Uprising upang takutin at kunan ng litrato nang walang pahintulot. Ang pamamasista na ito ay patuloy na isinasagawa ng mga pwersa ng estado magmula sa rehimeng Marcos Sr. hanggang kina Duterte at Marcos Jr. Ang pananakot at pagpapatahimik sa mga kritiko, aktibista, at mga mamamahayag ay patunay na takot ang estado na mailantad ang katotohanan sa taumbayan, sapagkaโt alam nila na nasa malawak na hanay ng masa ang tunay na kapangyarihanโhindi sa mga iilan lamang.
Kung ating babalikan ang nakaraan, ating makikita na hindi ito panibagong karanasan ng ating mga kapwa estudyante, lalo na sa AdNU. Sa nakalipas na panahon, ating makikita na maraming mga estudyante ang nakakaranas na ng pagbabanta, pagpapaskil ng red-tagging posters, at ang panghuhuli sa mga inosenteng kabataan na hindi takot bomoses laban sa pasistang estado. Habang dinuduhagi nila ang mga mulat na mga mamamayan, linilinlang at binubulag nila ang marami sa taumbayan gamit ang pekeng balita, ayuda, at panunuhol upang makuha ang suporta nila at panatilihing masunurin sa mga tiwaling opisyal ng gobyerno. Ang isang demokratikong lipunan ay hindi dapat nililimitahan ang karapatan nating bomoses.
Sa kabila nito, kita pa rin sa kasalukuyan ang patuloy na pang-aapi sa mga mamamayan ng estado, kagaya ng pagpaslang kay UP Diliman USC Councilor Alyssa Alano at ng walong iba pang sibilyan ng Toboso 19, kung saan pinatay ng militar ang mga sibilyang nananaliksik at nakikipamuhay lamang sa mga magbubukid sa Negros. Ang Toboso 19 ay isang patunay na patuloy pa rin ang karahasan na kayang gawin ng estado sa mga kapwa nating estudyante. Nais din nating bigyang pansin ang mga isyung panlipunan sa labas ng pamantasan. Patuloy ang harap-harapan na panloloko satin sa mga ulat na ibinigay ni Marcos Jr. noong SONA. Patuloy na pagpapatagal sa impeachment trial ni Sara Duterte. Nariyan din ang Pax Silica na hanggang ngayon ay hindi pinapakinggan ang mga hinaing ng mga tumututol dito.
Ang lahat ng ito ay ang kasalukuyang kalagayan ng bansa. Ang krisis sa edukasyon ay bahagi lamang ng krisis pang-ekonomiya at pampulitika na kinahaharap ng masa. Kaya nananawagan kami sa mga kabataang Atenista na makialam sa mga nangyayari sa ating bayan dahil ang ugat ng mga isyung kinahaharap natin ay konektado sa ugat ng ibang isyung panlipunan. Higit sa lahat, ang laban para sa paglutas sa mga isyung ito ay hindi rin maihihiwalay.
Kaya malinaw, tayong kabataang estudyante na may sigla, talino, at oras ay nararapat na kumilos at ipaglaban ang tama; magsisimula ito sa pag-aaral ng lipunan. Ngunit hindi rin maikakaila na hadlang dito ang kakulangan ng pondo at mga istruktural na polisiya (gaya ng pagbawas sa oras ng Activity Period at mga burukratikong prosesong nagpapahirap sa mga organisasyong magsagawa ng mga aktibidad) na unti-unting pumapatay sa buhay-ekstrakurikular ng pamantasan. Habang kritikal ang mga mag-aaral na pinaglalaban ang katotohanan, nais tanggalin ang mga asignatura sa humanities at agham panlipunan gaya ng Ethics at sinasanay ang mga mag-aaral na maging manhid sa mga pangyayari ngayon at masunurin sa tiwaling sistema at mga nasa tuktok.
Ang mga isyu sa loob ng pamantasan ay mga suliranin na hindi lamang nag-uugat sa administrasyon ng mga paaralan, sapagkat ang pinaka-ugat nito ay ang anti-demokratiko at mapang-aping mga sistema ng imperyalismo, pyudalismo, at burukrata-kapitalismo na patuloy na nagpapahirap sa sambayanang Pilipino. Kaya kabataang estudyante, makialam, tumindig, kumilos, at makibaka! Paglingkuran ang masa!
Sa puntong ito, ito ang aming mga kagyat na panawagan:
Sa pamantasan:
1. Pasasaayos ng pasilidad at mga gamit ng pamantasan
2. I-extend ang No TOFI hanggang sa sunod na taong pang-akademiko
3. Ibalik ang Activity Period bawat Martes at Huwebes
4. Dagdag pondo at suporta sa mga organisasyong pang-estudyante
5. Maayos at inclusive na konsultasyon, at participative na pagdedesisyon sa mga polisiya ng pamantasan
6. Ikonsidera ang mga kilos-protesta bilang special activity na hindi kailangan ng matagal at burukratikong approval process
7. Gawing freedom park ang Xavier Grounds para sa mga kilos-protesta
Sa pamahalaan:
1. Libre, dekalidad, at abot-kaya; siyentipiko, makamasa, at makabayang edukasyon
2. Mas malaking pondo at suporta sa edukasyon, sa mga pasilidad, at sa pagpapaunlad nito
3. Itigil ang pagpapatahimik sa mga estudyanteng lider, aktibista, at mamamahayag
4. Itigil at labanan ang militarisasyon sa mga paaralan, kabilang ang matagal nang planong Mandatory ROTC
5, Huwag alisin ang general education subjects
6. Igiit ang mga karapatan ng mga mamamayan
7. Lutasin ang krisis sa edukasyon
โโโโโโโโโโโโโโโ
SIGNATORIES:
Ateneo Animal Management and Nurturing Network
Ateneo Literature and Language League
Remontados: The Ateneo de Naga University Debate Society
Pioneers of Ignatian Expressive Electronic Arts and Learning Society
Liga ng mga Estudyante sa Agham Pampolitika
The Ateneo Consortium of Technological, Information, and Computing Sciences
Legal Management Institute of Ateneo de Naga Students
ThePILLARS Publication
ADNU 4 Palestine
Kabataan Partylist - Naga