20/09/2026
FFW: HUWAG MAGING HUNGKAG ANG DEMOKRASYANG PAMPULITIKA—MAGTAYO NG UNYON, MAKIPAG-COLLECTIVE BARGAINING, AT PALAWAKIN ANG MIDDLE CLASS
“Naibalik natin ang pormal na demokrasyang pampulitika noong 1986. Ngunit higit na nagpalit ang mga personalidad kaysa sa sistemang nagpapanatili sa kapangyarihan at yaman sa kamay ng iilan. Hungkag ang demokrasyang pampulitika kung walang demokrasyang pangkabuhayan,” pahayag ni Atty. Sonny Matula, pangulo ng Federation of Free Workers (FFW), sa paggunita sa deklarasyon ng Martial Law.
Ayon sa FFW, mahalaga ang mga kalayaang nabawi matapos ang diktadura, ngunit hindi sapat ang pagboto at malayang pagpapahayag kung nananatiling walang kapangyarihan ang manggagawa sa mga pasyang humuhubog sa kanyang kabuhayan.
“May boses sa presinto, pero takot magsalita sa pabrika. Malaya sa balota, subalit nakasangla na ang ATM o gipit sa bawat kinsenas,” ani Matula.
Iginiit ng FFW ang pangangailangan ng malalakas, malaya, at demokratikong unyon upang magkaroon ng tunay na boses ang mga manggagawa sa sahod, seguridad sa trabaho, kaligtasan, at patas na bahagi sa yamang kanilang nililikha.
Nanawagan ang FFW sa mga manggagawa na magtayo at sumali sa mga unyon, at gamitin ang collective bargaining upang sama-samang maipaglaban ang makatarungang sahod, ligtas na lugar-paggawa, seguridad sa trabaho, at iba pang benepisyo.
“Kung may upuan ang negosyo sa hapag ng pagpapasya, dapat may upuan din ang paggawa. Sa pamamagitan ng unyon at collective bargaining, nagkakaroon ng tunay na kapangyarihan ang manggagawa sa paghubog ng kanyang kinabukasan,” dagdag ni Matula.
Binigyang-diin ng FFW na ang matatag na trabaho, sapat na sahod, at abot-kayang serbisyong pangkalusugan, edukasyon, at pabahay ang pundasyon ng lumalawak na gitnang uri at masiglang ekonomiya.
“Hindi lumalawak ang middle class sa pagpapalit ng tawag sa mahirap. Lumalawak ito kapag ang ordinaryong manggagawa ay may matatag na trabaho, sapat na sahod, at pagkakataong umasenso,” ani Matula.
Ayon sa FFW, kapag may sapat at tiyak na kita ang mga manggagawa, mas nagiging malakas ang kanilang kakayahang magpaaral, magpagamot, mag-impok, magkaroon ng maayos na tahanan, at tumangkilik sa mga lokal na negosyo. Sa ganitong paraan, lumalawak ang konsumo, lumilikha ng mas maraming oportunidad, at napapalakas ang gitnang uri.
Nanawagan ang FFW ng paggalang sa karapatang mag-unyon at makipagtawaran, paglikha ng mga trabahong may seguridad, pagpapatupad ng living wage, at pagbibigay ng abot-kayang serbisyong pangkalusugan, edukasyon, at pabahay.
Sa paggunita sa Martial Law, muling pinagtibay ng FFW ang paninindigang “Never again.” Ayon kay Matula, ang pangako ng 1986 ay dapat maramdaman sa disenteng buhay ng mga manggagawa at pamilyang patuloy na naiiwan.
“Ang demokrasya ay hindi lamang karapatang bumoto. Dapat itong maramdaman sa lugar-paggawa—sa kalayaang mag-unyon, sa lakas ng collective bargaining, sa sapat na sahod, at sa pagkakataong umunlad ang bawat pamilya,” pagtatapos ni Matula.
# # #