20/02/2021
[OSR ANNOUNCEMENT 2021]
Re: Red-tagging in UMak Parenting Webinar
February 20, 2021
Ang Konseho ng Mag-aaral ng Unibersidad ay mariing kinokondena ang naganap na red-tagging sa ating Unibersidad. Sa taong 2018, minsan nang naipasama ang pangalan ng University of Makati (UMak) bilang isa sa mga pugad ng New Peopleโs Army at nito lamang nakaraang January 23, 2021 ay muli na naman tayong napabilang sa listahan na inilabas ni Lieutenant General Antonio Parlade. Ang pahayag na ito ay walang sapat na ebidensiya upang mapatunayan ang katotohanan ng pahayag na ito at higit sa lahat, ito ay hindi tumutumbok sa tunay na hangarin ng Unibersidad para sa kaniyang mga mag-aaral- โemployment after educationโ.
Matapos maipaabot sa amin ang balitang ito, agarang sumulat ng pahayag ang Opisina ng UMak Student Regent at ipinaabot sa tangapan ng OVPSSCD upang siguraduhin na ito ay kaisa sa pahayag na ilalabas ng UMak Management. Ilang linggo ang lumipas, ngunit walang balitang narinig ang Konseho mula sa OVPSSCD patungkol dito-- hanggang sa aming napagtanto na ito ay hindi pinahintulutang ilabas ng Opisina ng UMak President dahil may nauna nang naipalabas na pahayag ang UMak ukol dito. Ang hindi tuluyang paglabas ng pahayag ng Konseho ay hindi nangangahulugan na sumusuporta ang organisasyon sa kahit anumang uri ng propaganda na ipinapairal ng ating estado.
Kaninang umaga, inilunsad natin ang โUMak Parenting Seminarโ katuwang ang Office of the Vice President for Student Services and Community Development (OVPSSCD), Center for Guidance and Counseling Serves (CGCS), Center for Student Organizations and Activities (CSOA), at Parent-Instructors Association (PIA) na may hangaring tulungang maitulay sa mga magulang ang mga pangangailangan ng ating mga estudyante sa kanilang New Normal Classes. Ang programang ito ay isang partnership program lamang at hindi proyekto mula sa Konseho. Nais din naming ipabatid sa lahat na ang naganap na hindi pagkakaunawaan patungkol sa naipalabas na video mula sa โHands Off Our Childrenโ ay lingid sa kaalaman ng Konseho. Ito po ay wala sa orihinal na kopya ng programa at ipinilit lamang ng OVPSSCD na kunin ang โhostโ access ng Zoom meeting upang tuluyang maiere ang bidyo. Hindi rin namin intensyon na alisin ang unmute access ng mga participants upang sila ay pigilan na magsalita. Ang pangyayari po itong ay hindi na po namin kayang sagutin dahil tuluyan na pong itinanggal sa amin ng OVPSSCD ang host access sa Zoom meeting.
Bilang pinakamataas na organisasyon na kumakatawan sa lahat ng mag-aaral ng UMak, isa sa aming mga tungkulin ang protektahan, bigyang garantiya ang pagbibigay-bisa at pagsasabuhay sa karapatan ng ating mga mag-aaral. Inilalayon din ng Konseho ang pagtataguyod sa nagkakaisang lupon ng mga mag-aaral ng Unibersidad na may mataas na antas ng partisipasyon sa mga gawaing nagpapatibay sa ating estado, nagbibigay-buhay sa likas ng ating pagka-Filipino, at masayang nagaganap ang kalayaan na ibinibigay ng lipunan. Dahil sa mga pangyayaring nagsusupil at naglilimita sa tunay na kapangyarihan ng Konseho, tuluyan nang pinag-desisyunan ng UMak Student Regent kaisa ng iba pang miyembro nito, na mag-withdraw at ipasawalang-bisa ang partnership na itinaguyod mula nang ipinaplano ang paglulunsad ng programang taliwas sa tunay na pinag-usapan bago pa ang araw na ito.
Naniniwala ang Konseho na mayroon pang mas maraming pangangailangan na dapat pagtuunan nang pansin para sa mas mabuti at mas magandang pagbibigay-serbisyo sa ating mga mag-aaral. Mula sa araw na itinaguyod ang University of Makati hanggang sa kasalukuyan na patuloy pa rin nating pinapanghawakan ang tunay na hangarin, kalayaang pang-akademiko, at prinsipyo ng Unibersidad, naniniwala at nagtitiwala ang Konseho sa patuloy na pagtataguyod sa ating Unibersidad bilang isang ligtas na lugar para sa malaya at matalinong pagdidiskusyon.
ANG UMAK STUDENT COUNCIL AY PARA SA MAG-AARAL!
PARA SA MAG-AARAL ANG UMAK STUDENT COUNCIL!
HANDS OFF OUR STUDENTS!
DEFEND ACADEMIC FREEDOM!