24/08/2026
PROVINCIAL LINGGO NG KABATAAN 2026 | HIGHLIGHTS 🌟
Napuno ng kulay, saya, at inspirasyon ang pagdiriwang ng Provincial Linggo ng Kabataan 2026 na ginanap nitong Agosto 21 sa bayan ng Magdiwang, Romblon, sa temang “Youth Advancing Multilateral Cooperation Through Technology and Partnerships.”
Sa pangunguna ng Provincial Government of Romblon, sa pamamagitan ng Local Youth Development Office sa ilalim ng Office of the Provincial Planning and Development, katuwang ang mga LGU at Youth Development Offices ng bawat bayan, nagsama-sama ang mga youth delegates mula sa iba’t ibang bahagi ng lalawigan para sa isang buong araw ng makabuluhan at masiglang mga gawain.
Mula sa Youth Parade na tampok ang Elemental Quest clusters—Water, Land, Fire, at Air—hanggang sa palarong lahi, YOUNGtrepreneurs Booth Fair, Canva Editing Tutorial, Logo Making Contest, at Youth Empowerment activities, naging makulay ang bawat bahagi ng selebrasyon. Tampok din ang mahahalagang learning sessions sa pamamagitan ng mini-series poscast/vlog tungkol sa Mental Health, Social Media Netiquette, AI Ethics, at Cyberbullying, na nagbigay sa kabataan ng dagdag na kaalaman para sa mas ligtas, responsable, at makabuluhang paggamit ng teknolohiya.
Higit sa kompetisyon at kasiyahan, naging pagkakataon ang selebrasyon upang maipakita ng kabataan ang kanilang pagkamalikhain, pamumuno, talento, pakikipagkaibigan, at malasakit sa kapwa. Sa bawat sigaw, tawa, laro, at ideyang ibinahagi, kitang-kita ang enerhiya ng isang kabataang Romblomanon na handang makiisa at manguna.
Dahil kapag binibigyan ang kabataan ng espasyo upang matuto, lumikha, makilahok, at manguna, mas naihahanda silang mamuno at maging huwarang mamamayan para sa kinabukasan.
Mabuhay ang Kabataan ng Romblon! ✨