12/08/2026
Higit 2,000 housing units inihanda ng Iloilo City Government para sa mga benepisyaryo
Mahigit 2,000 ligtas at disenteng housing units ang inihanda ng Iloilo City Government sa ilalim ng PASILONG o Ilonggo Family Housing Program, isa sa mga pangunahing programa ng lungsod sa ilalim ng Rising Livability pillar ng RISE-to-ACTION governance framework. Kabilang dito ang Iloilo Residences Public Rental Housing Project sa Barangay Sambag, Jaro, na unang public rental housing project sa Western Visayas at may 362 units para sa mga low-income family at pamilyang nagsisimula pa lamang, na target makumpleto pagsapit ng 2027.
Kasama rin sa mga proyekto ang Uswag 4PH Condominium Complex sa Barangay San Isidro, Jaro, na isinasagawa katuwang ang EON Realty Corporation at magbibigay ng 1,677 housing units sa mga Ilonggo. Patuloy naman ang pagpaplano para sa Westville Residences, isang three-storey apartment-style condominium na may 86 units, at Rise Batiano Village na magsisilbing relocation site para sa 173 informal settler families na nakatira sa mga danger zone at coastal area, bilang bahagi ng layunin ng lungsod na mas marami pang residente ang magkaroon ng sariling ligtas na tahanan.