08/09/2026
📰 | 𝐌𝐚𝐭𝐚𝐠𝐮𝐦𝐩𝐚𝐲 𝐧𝐚 𝐏𝐚𝐠𝐝𝐢𝐫𝐢𝐰𝐚𝐧𝐠 𝐧𝐠 𝐁𝐮𝐰𝐚𝐧 𝐧𝐠 𝐖𝐢𝐤𝐚 𝟐𝟎𝟐𝟔 𝐬𝐚 𝐂𝐚𝐧𝐢𝐧𝐠𝐚𝐲 𝐍𝐚𝐭𝐢𝐨𝐧𝐚𝐥 𝐇𝐢𝐠𝐡 𝐒𝐜𝐡𝐨𝐨𝐥-𝐌𝐚𝐢𝐧
Ni: Sheena Lyn Toting
Masayang ipinagdiwang ng Caningay National High School-Main ang Buwan ng Wika 2026 nitong Setyembre 7, 2026, sa pamamagitan ng isang makulay at makabuluhang programa na may temang “Wikang Filipino at AI: Kasangkapan sa Pananaliksik at Tulay sa Yaman ng Impormasyon.”
Sinimulan ang programa sa isang mataimtim na panalangin, na sinundan ng pag-awit ng Pambansang Awit at DepEd Hymn. Nagbigay naman ng pambungad na pananalita si G. Edwin S. Vallagomesa, na sinundan ng panunumpa ng mga opisyal mula sa iba’t ibang sektor at organisasyon ng paaralan, kabilang ang Supreme Secondary Learner Government (SSLG) Youth for Environment in Schools Organization (YES-O), at iba pang mga club.
Isa sa mga tampok ng unang bahagi ng programa ang makulay na pagrampa ng mga mag-aaral na suot ang mga tradisyunal at makasaysayang kasuotan na kumakatawan sa iba’t ibang bahagi ng bansa mula sa Luzon, Visayas, at Mindanao. Ipinakita nito ang yaman at pagkakaiba-iba ng kulturang Pilipino. Kasabay nito ang Lamesang Pampinoy at Lutuing Pilipino kung saan ang unang putahi ay ang puso ng saging.
Matapos ang pagrampa, isinagawa ang iba’t ibang patimpalak tulad ng Pagsasatao, Vocal Solo, at Duet, kung saan ipinamalas ng mga mag-aaral ang kanilang talento, husay, at pagpapahalaga sa wikang Filipino. Matapos ang mga patimpalak, inanunsyo rin ang mga nagwagi kabilang ang mga naunang patimpalak kabilang ang Pagsusulat ng Tula, Spoken Word Poetry, at Sining sa Bilao na nagbigay ng karagdagang saya at sigla sa pagdiriwang.
Sa ikalawang bahagi ng programa, naghandog naman ng mga makabuluhang presentasyon na naghatid ng kaalaman ang dalawang seksyon mula sa baitang labing-isa. Tinalakay at ipinakita sa kanilang pagtatanghal ang mga kaalaman tungkol sa makulay na tradisyon ng mga Pilipino noon, gayundin ang mga kuwento tungkol sa kung paano nagsimula, umunlad, at patuloy na nagsisikap ang mga Pilipino tungo sa pag-unlad.
Sinundan ito ng mga larong nagbigay ng saya at aktibong pakikilahok sa mga mag-aaral, kabilang ang Pinoy Henyo, Going to the Market, at Tug of War. Bilang pangwakas na gawain, isinagawa ang isang masaya at makulay na Paint Party, na nagsilbing pagtatapos ng isang araw na puno ng kultura, talento, pagkakaisa, at kasiyahan.
Sa kabuuan, naging matagumpay ang pagdiriwang ng Buwan ng Wika sa CNHS-Main. Naging daan ang programa upang higit na maipakita ng mga mag-aaral ang kanilang pagpapahalaga sa wikang Filipino, kultura, tradisyon, at pagkakakilanlang Pilipino, habang kinikilala rin ang makabagong teknolohiya tulad ng Artificial Intelligence (AI) bilang isang kasangkapan sa pananaliksik at pagkatuto.
Ang matagumpay na programa ay pinangunahan ng Filipino Club officers, sa pangunguna ng kanilang mga tagapayo na sina Gng. Lyndell Grace Torres at Gng. Aireen Gicana, kasama ang mga g**o at mag-aaral na naging bahagi ng makabuluhang pagdiriwang.