21/05/2026
OVP RIICE PROGRAM, INIHATID SA MALALAYONG BARANGAY NG OCCIDENTAL MINDORO
Mula sa mga malalayong barangay sa Occidental Mindoro, patuloy na inilalapit ng Office of the Vice President of the Philippines ang tulong at serbisyo ng pamahalaan sa mga higit na nangangailangan. Sa ilalim ng Relief for Indigents and Individuals in Crises and Emergencies (RIICE) Program, matagumpay na naipamahagi ang food assistance sa mga piling benepisyaryo sa mga bayan ng Magsaysay, Calintaan, Rizal, at Santa Cruz noong Mayo 14 at 15, 2026.
Kabilang sa mga nabigyan ng tulong ang mga pamilyang nasa krisis, senior citizens, persons with disabilities, at mga kapatid nating Mangyan Indigenous Peoples mula sa iba’t ibang komunidad sa Occidental Mindoro. Sa kabila ng layo ng biyahe, mahihirap na daan, at limitadong akses sa pangunahing serbisyo, nananatiling prayoridad ang pag-abot ng programa sa mga komunidad na madalas hindi naaabot.
Sa pakikipagtulungan ng Provincial Government ng Occidental Mindoro, mga lokal na pamahalaan, barangay councils, at partner organizations, muling pinagtibay ang layunin ng inklusibong pag-unlad at ang pangakong walang komunidad ang maiiwan.