22/04/2025
KASALUKUYANG NAGSASAGAWA NG FLUVIAL PARADE ANG MGA MANGINGISDA SA BANGUI BAY BILANG PAGTUTOL SA PLANONG IPATAYO NA BUHAWIND FLOATING WINDMILL SA BAYBAY NG PASUQUIN, BURGOS, BANGUI, AT PAGUDPUD.
---
Ang BuhaWind Offshore Windfarm ay isang 2,000-MW floating windmill na nagkakahalaga ng Php360 bilyon. Ito ay proyekto ng isang danish energy firm na Copenhagen Energy at PetroGreen Energy Corporation.
Mula sa datos ng rehistradong mangingisda ng BFAR, aabot sa 6,339 na mangingisda mula sa apat na munisipyo ng Ilocos Norte ang maaapektuhan ng proyektong ito, hindi pa kasama dito ang mga hindi rehistrado na mangingisda.
Ayon sa kompanya, sa panahon ng kontruksyon tatlong taon na hindi papahintulutan na magpalaot ang mga mangingisda. Sa karanasan din ng ibang bansa, pagkatapos ng konstruksyon ay hindi na papayagan lumapit ang mga mangingisda sa 50 meters radius ng isang "wind turbine" dahil dito malilimitahan ang pagpapalaotan ng mga mangingisda.
Bukod sa malawak na pagkawala ng kabuhayan, nariyan din ang banta nito sa pagkasira ng kalikasan. Mula sa isang pag-aaral, ang mga floating windmill ay magdudulot ng "noise pollution" sa ilalim ng dagat, pagkasira sa mga natural na tirahan ng isda, at posibleng maapektuhan ang populasyon ng isda at iba pang yamang dagat.
Matagal nang sentro ng renewable energy ang Ilocos Norte, ngunit hindi nararanasan ng mga mamamayan nito ang benepisyo. Ang kuryenteng nalilikha ng mga wind at solar farm ay direktang napupunta sa National Grid Corporation of the
Philippines (NGCP) at ibinebenta sa Wholesale Electricity Spot Market (WESM), na nakikinabang ang malalaking korporasyon kaysa sa mga taga-Ilocos Norte. Sa kabila ng napakaraming renewable energy projects sa probinsya, nananatiling mataas ang singil sa kuryente at nakararanas pa rin ng madalas na power
interruptions ang mga mamamayan.
Dapat unahin ng gobyerno ang kapakanan ng mamamayan kaysa sa mga proyektong nakatuon sa kita ng mga malalaking negosyo.
Sa halip na mawalan ng hanapbuhay ang mga mangingisda at sirain ang yamang-dagat, dapat itong magpokus sa pagbibigay ng makabuluhang suporta sa mga mangingisda—kabilang ang modernong kagamitan sa pangingisda at mga programang tunay na magpapalakas sa kanilang kabuhayan.
Nakikiisa ang SALUADAN sa laban ng lahat ng mangingisda!
TUTULAN ANG BUHAWIND ENERGY PROJECT AT
IPAGLABAN ANG KABUHAYAN AT KALIKASAN NG ILOCOS NORTE!
Reference: Rev. Fr. Arvin Mangrubang, Lead Convenor