15/05/2025
Kay nangin tuod-tuod siya halin sang sugod. Updan ta siya subong asta sa 2028. Indi ini sa subong lang. Ululupod kita tanan.
Hindi talaga handa si Heidi sa ganitong klaseng laban. Wala siyang makinarya, walang partido, walang slate. Pero kahit ganoon, lumaban siya. Mag-isa. Walang media team, walang PR machinery, walang political operators. Wala rin siyang political expert na nagbi-brief sa kanya o sumasalo sa kanya sa gitna ng mga stressful at pressing situations. Sa gitna ng pagkuyog, tumindig siyang mag-isa at humarap sa lahat.
At kung totoo mang may kirot, hindi iyon galit kundi lungkot. Lungkot ng isang taong may kakayahan, may malasakit, may world-class expertise sa fraud detection at auditing, pero hindi naisama sa slate. Lungkot dahil alam niyang kaya niyang mag-ambag, pero wala siyang plataporma sa loob ng isang makinarya.
To be fair, naiintindihan ko rin ang kampo nina VP Leni. Baka diskarte talaga nila iyon. Kailangan nilang i-focus ang resources sa sarili nilang laban lalo na noong panahong mababa sa survey sina Kiko at Bam at kulang din sa pondo. Pero siguro kahit isang simpleng, “Sorry, political strat namin na dalawa lang muna,” ay sapat na. Hindi para purihin si Heidi, kundi para iparamdam lang na napansin ang kanyang lakas ng loob.
At para malinaw sa lahat, nag-reach out siya. Hindi siya humiling ng pag-aangat ng kamay. Hindi siya nag-demand ng queen treatment. Hindi siya nanisi. Hindi siya nambintang. Pero gaya ng kahit sinong lumalaban, umaasa rin siya na maramdaman kahit papaano na hindi siya nag-iisa. Wala siyang narinig. Tinanggap niya iyon nang tahimik. At sa huli, nagsabi lang siya ng totoo. Hindi niya inatake si VP Leni. Alam niya kung sino ang nagtulak sa kanya pataas, at iyon ay ang taong bayan kasama ang mga Kakampink. At sa 8.6 milyong Pilipinong bumoto sa kanya, buo at taos-puso ang pasasalamat niya.
Kasi sa totoo lang, ang mga away, tampo, at parinigan online ang tunay na clutter sa laban para sa mabuting pamahalaan. Sayang ang enerhiya kung uubusin lang sa palitan ng sumbat. Ang husay at integridad ni Heidi ay hindi dapat mawala sa eksena. UN-level po ang caliber niya. Isa siya sa iilang Pilipinong pinagtitiwalaan ng mundo pagdating sa integridad at paninindigan. Gagamitin sana ng bayan, huwag nating sayangin sa intriga.
Ang mahalaga ngayon, nakita na ng lahat ang puwersa ni Heidi. Walang makinarya pero umabot ng 8.6 milyong boto. Hindi iyon basta-bastang numero. Iyan ay malinaw na tiwala ng taong bayan sa isang lider na tapat, matapang, at hindi kurap.
Si Heidi, kung may pagkukulang man, hindi ito galing sa puso. Kung meron man, ito ay sa hindi pagkabisado ng pulitika. Minsan pa nga, sobrang tapat pa sa damdamin. Too honest to a fault. Hindi siya politiko sa pagkatao. Kaya noong interview na iyon na may mala-Kris Aquino na vibe, at sa social media na may Sharon Cuneta unfiltered energy, she was just being herself. Isang taong sugatan pero lumalaban. Nagpapakatotoo pagkatapos ng matinding trial ng biglaang pagtakbo niya, na ginawa niya matapos makita ang pambababoy sa pondo ng bayan.
Pero mula umpisa hanggang ngayon, buo ang pasasalamat niya. Hindi siya marunong magkimkim. Hindi niya ipinagdamot ang pagpupugay sa mga tumulong. Nakakatawa nga kasi sa Messenger, she’s trying to thank everyone by responding isa-isa. Walang team pero may puso. Kahit pagod, sinasagot niya ang mga taong bumati, nagdasal, at nagpakita ng suporta.
Kaya sana, unawain natin siya. Hindi madaling lumaban nang walang armas. Wala nga siyang editor. Siya mismo ang CapCut queen ng bayan na puyat, gutom, at naka-salampak sa sahig habang nag-eedit ng video gamit ang libreng template. Pinipilit niyang sabayan ang algorithm, umaasang may makakita sa mensahe niya. Walang budget pang-ads pero may puso sa bawat caption. Kung may award lang sa Best in Self-Produced Campaign Materials, panalo na siya.
Kung may kulang man si Heidi sa PR, hindi iyon kasalanan kundi limitasyon. Pero sa prinsipyo, hindi siya nagkulang. Kung minsan ay emosyonal siya, iyon ay dahil totoo siya. Hindi siya script. Hindi siya plastic. Hindi siya programmed.
At kung lalaban siya sa 2028, mas handa na siya. Mas handa na rin tayo. Mas buo, mas sabay-sabay, at mas walang iwanan.
Ngayong alam na natin kung sino si Heidi Mendoza, kung gaano siya katapat, at kung gaano siya kalakas kahit mag-isa, handa na tayo para sa susunod.
Sa ngayon, iikot siya hindi para mangampanya, kundi para makinig dahil ang tunay na paglilingkod ay nagsisimula sa pakikinig sa tinig ng bawat sektor.
Sa 2028, kung tuloy man, Heidi tayo. Buo. Sama-sama. Walang maiiwan.