16/05/2026
𝐔𝐍𝐃𝐄𝐑 𝐀𝐓𝐓𝐀𝐂𝐊 𝐀𝐍𝐆 𝐌𝐀𝐌𝐀𝐌𝐀𝐘𝐀𝐍 𝐒𝐀 𝐈𝐋𝐀𝐋𝐈𝐌 𝐍𝐆 𝐆𝐎𝐁𝐘𝐄𝐑𝐍𝐎𝐍𝐆 𝐏𝐀𝐒𝐈𝐒𝐓𝐀 𝐀𝐓 𝐊𝐎𝐑𝐀𝐏!
Nakakadismaya. Nakakasuka. Nakakagalit.
Kung ang mga inaasahan nating tagagawa ng batas ay sila mismo ang bumabaluktot ng batas para sa kanilang interes, wala tayong maaasahan sa bulok na sistemang ito. Patunay ang “pagkanlong” at hinayaang “makatakas” ang puganteng si Senator Ronald “Bato” Dela Rosa ng pag-iral ng kawalan ng pananagutan o impunity sa bansa.
𝐀𝐧𝐠 𝐒𝐞𝐧𝐚𝐝𝐨 𝐚𝐲 𝐡𝐢𝐧𝐝𝐢 𝐝𝐚𝐩𝐚𝐭 𝐤𝐚𝐧𝐥𝐮𝐧𝐠𝐚𝐧 𝐧𝐠 𝐤𝐨𝐫𝐚𝐩 𝐚𝐭 𝐤𝐫𝐢𝐦𝐢𝐧𝐚𝐥. Insulto ito sa mga mahihirap na pamilya at biktima ng pamamaslang sa panahon ng pekeng “war on drugs” ni Duterte.𝐈𝐧𝐬𝐮𝐥𝐭𝐨 𝐢𝐭𝐨 𝐬𝐚 𝐬𝐚𝐦𝐛𝐚𝐲𝐚𝐧𝐚𝐧𝐠 𝐏𝐢𝐥𝐢𝐩𝐢𝐧𝐨 𝐧𝐚 𝐧𝐚𝐠𝐡𝐮𝐡𝐮𝐦𝐢𝐲𝐚𝐰 𝐧𝐠 𝐡𝐮𝐬𝐭𝐢𝐬𝐲𝐚.
𝐇𝐢𝐧𝐝𝐢 𝐥𝐚𝐧𝐠 𝐩𝐚𝐦𝐛𝐚𝐧𝐬𝐚𝐧𝐠 𝐤𝐚𝐡𝐢𝐡𝐢𝐲𝐚𝐧, 𝐢𝐧𝐭𝐞𝐫𝐧𝐚𝐬𝐲𝐮𝐧𝐚𝐥 𝐧𝐚 𝐤𝐚𝐡𝐢𝐡𝐢𝐲𝐚𝐧 𝐚𝐧𝐠 𝐢𝐧𝐢𝐡𝐚𝐭𝐢𝐝 𝐬𝐚 𝐚𝐭𝐢𝐧 𝐧𝐠 𝐩𝐮𝐠𝐚𝐧𝐭𝐞𝐧𝐠 𝐬𝐢 𝐒𝐞𝐧𝐚𝐭𝐨𝐫 𝐑𝐨𝐧𝐚𝐥𝐝 “𝐁𝐚𝐭𝐨” 𝐃𝐞𝐥𝐚 𝐑𝐨𝐬𝐚. . Lalong nalantad ang kabulukan ng sistema sa pulitika kung saan namamayani ang pagtatanggol ng mayayaman at makapangyarihan sa sarili nilang interes. Pinatunayan lang nito kung gaano kalala ang sistema ng palakasan at aregluhan sa pagitan ng mga naghaharing-uri.
𝐌𝐢𝐬𝐬𝐢𝐨𝐧 𝐚𝐜𝐜𝐨𝐦𝐩𝐥𝐢𝐬𝐡𝐞𝐝 𝐧𝐚 𝐬𝐢 𝐁𝐚𝐭𝐨. Dahil sa kanyang boto, napatalsik bilang presidente ng Senado si Sen. Tito Sotto na nangakong agad na simulan ang paglilitis sa impeachment ni Sara Duterte. Ipinalit sa kanya si Sen. Alan Peter Cayetano, kilalang tagasunod ng pamilyang Duterte. Si Bato mismo ang umamin na may kinalaman ang kanyang surpresang paglantad upang pigilan ang impeachment ni VP Sara Duterte.
𝐖𝐚𝐥𝐚𝐧𝐠 𝐧𝐚𝐩𝐚𝐥𝐚 𝐚𝐧𝐠 𝐦𝐠𝐚 𝐨𝐫𝐝𝐢𝐧𝐚𝐫𝐲𝐨𝐧𝐠 𝐏𝐢𝐥𝐢𝐩𝐢𝐧𝐨 sa mga kaguluhan sa Senado nitong nagdaang Linggo. Walang balak ang gobyernong Marcos-Duterte na lutasin ang malalang kahirapan, malalang korapsyon at pagpapanagot sa mga kurap at tiwali. Pansariling interes, ambisyon sa kapangyarihan at kasakiman sa pagkamal ng kaban ng bayan ang pawang ipinakita ng mga bulok na pulitiko mula sa kudeta sa Senado, pagharang sa pag-aresto ng NBI kayBato, pagkakanlong sa isang pugante sa pamamagitan ng “protective custody” at pagpapabaya na siya ay makatakas.
Samantalang kapag mahirap o ordinaryong tao, hindi pa man napapatunayan na maysala - arestado, ikinukulong, tinotortyur at pinapatay pa nga nang walang paglilitis. Nagagawa pa nilang maghasik ng mga mapanghating naratibo upang iligaw ang mamamayan sa hustisya. Dahil hindi nananaisin ng mga naghaharing-uri na magkaisa ang mga ordinaryong mamamayan laban sa bulok na sistema.
Walang nakaaangat sa batas. Lalo na sa krimen laban sa sangkatauhan. May rekurso man si Bato para tumakas at magtago, hindi niya habambuhay na matatakasan ang libo-libong inosenteng biktima ng pekeng “war on drugs” ni Rodrigo Duterte.
Hindi na tayo maloloko ng mga damuhong ito, hindi mapapatigil ng teleserye sa Senado ang paglilitis kay VP Sara Duterte sa kanyang pandarambong at mga kasalanan sa bayan.
Dapat managot si Pangulong Bongbong Marcos sa kawalang aksyon upang papanagutin ang berdugong si Bato hanggang sa makatakas pa nga. Dapat panagutin si BBM sa malaganap na korapsyon at kriminal na kapabayaan sa sambayanang Pilipino sa loob at labas ng bansa.
Nagkakaisang galit ng mamamayan ang magdadala kay Bato at iba pa niyang kasapakat ang sa ICC. Ang lumalakas na panawagan ng ng mamamayan ang lilitis kay Sara Duterte at magpapanagot kay Bongbong Marcos.
Sama-sama nating ipanawagan:
𝐁𝐀𝐓𝐎, 𝐀𝐑𝐄𝐒𝐓𝐔𝐇𝐈𝐍! 𝐒𝐀𝐑𝐀, 𝐋𝐈𝐓𝐈𝐒𝐈𝐍! 𝐌𝐀𝐑𝐂𝐎𝐒, 𝐏𝐀𝐍𝐀𝐆𝐔𝐓𝐈𝐍!
!