16/06/2026
Pahayag para sa Pandaigdigang Araw ng mga Domestic Workers
Hunyo 16, 2026
Ngayong araw, ika-16 ng Hunyo 2026, ginugunita natin ang Pandaigdigang Araw ng mga Domestic Workers. Sa araw na ito, kinikilala natin ang lakas, sakripisyo, at patuloy na paglaban ng mga domestic workers sa ibaโt ibang panig ng mundoโkabilang ang libo-libong Pilipinong migranteng manggagawa na itinulak palabas ng bansa dahil sa malawakang kahirapan, kawalan ng trabaho, kawalan ng lupa, at kakulangan ng batayang serbisyong panlipunan.
Mula nang ipatupad ang Labour Export Policy sa panahon ni Marcos Sr. noong dekada โ70, ginawang opisyal na patakaran ng gobyerno ang pagpapalabas ng mga Pilipino upang magtrabaho sa ibang bansa. Sa halip na lumikha ng disenteng trabaho at kabuhayan sa sariling bayan, itinulak ng estado ang mamamayan na mangibang-bansa upang makapagpadala ng milyun-milyong dolyar na remittances at pansamantalang takpan ang bumubulusok na ekonomiya ng Pilipinas.
Sa loob ng mahigit limang dekada, pinagkakitaan ng malalaking recruitment agencies, recruiters, traffickers, at maging ng sariling gobyerno ang pagpapadala ng murang lakas-paggawa sa ibang bansa. Patuloy ang pambubugaw ng gobyerno ng Pilipinas sa mamamayan nito sa dayuhang merkado ng paggawa, habang ang mga manggagawa ay inilalayo sa kanilang pamilya at inilulubog sa mas malalim na pagsasamantala.
Hindi pa sapat para sa mga ganid na panginoong maylupa, malalaking kapitalista, at tiwaling politiko na ilubog ang mamamayan sa kahirapan sa sariling bayan. Winasak pa nila ang kabuhayan ng mga magsasaka at manggagawa, at sa tulong ng mga mapagsamantalang ahensya at traffickers, itinulak ang marami na iwan ang kanilang pamilya upang ibenta ang kanilang murang lakas-paggawa sa mga dayuhan.
"Dito sa UK, kaming mga migranteng domestic workers ay kalakhang biktima ng modern day slavery, trafficking, at ibaโt ibang anyo ng pang-aabuso. Marami sa amin ang patuloy na nakikipagsapalaran nang walang kasiguraduhan sa trabaho, tirahan, at legal na katayuan. Bagamaโt marami sa amin ay kinilala bilang mga biktima, madalas ay nananatiling kimi ang embahada sa aming mga karanasan. Sa halip na maging katuwang sa panawagan para sa hustisya laban sa mapang-abusong mga amo, at sa laban para sa maayos na permit sa trabaho at proteksyon, sila pa ang unang nagsasabing kami ay umuwi na lamang." Analisa Caunceran, Lider ng Migrante Domestic Workers Committee
Kaya ngayong araw, ipinagpapatuloy natin ang pagmumulat, pag-oorganisa, at pagpapakilos sa hanay ng mga migranteng domestic workers. Ipinagpapatuloy natin ang laban para sa karapatan, hustisya, at kalayaan.
Nitong linggo, kami ay nakibahagi sa isang pagtitipon sa Parliament na dinaluhan ng humigit-kumulang 200 domestic workers, tagasuporta, at mga alyado. Sama-sama kaming nanawagan para sa hustisya, ligtas at maayos na karapatan sa trabaho, proteksyon laban sa pang-aabuso, at karapatang makasama ang aming mga pamilya.
Sa diwang ito, patuloy ang sigaw ng mga migrante: maglakas-loob na lumaban. Kailangang ugatin ang tunay na dahilan ng pwersahang migrasyonโang kahirapan, kawalan ng trabaho, kawalan ng lupa, at bulok na sistemang panlipunan na lalong nagpapahirap sa mamamayan sa gitna ng krisis at tumitinding digmaan.
Kailangan nating kumilos upang baguhin ang bulok na sistemang ito. Sapagkat ang tunay na layunin ng ating laban ay isang lipunang hindi na kailangang lisanin ng mamamayan ang sariling bayan, mawalay sa pamilya, at ibenta ang lakas-paggawa sa ibang bansa para lamang mabuhay.
Mabuhay ang mga domestic workers!
Mabuhay ang migranteng manggagawa!
Labanan ang trafficking, modern day slavery, at lahat ng anyo ng pang-aabuso!
Ibasura ang Labour Export Policy!
Trabaho, lupa, sahod, at karapatan sa sariling bayan!