12/06/2025
PSC #3
"WAG KAYA AKONG MAGPADALA?"
Hindi ko alam kung ako lang ba, pero ngayong 2025, parang mas bumigat lahat. Oo, buhay pa rin ako, kumakain, nagtatrabaho, nagpapadala. Pero araw-araw, may parte sa akin na unti-unting nauubos.
Anim na taon na ako dito sa Spain. Sa simula, puno ako ng pangarap, lahat ng overtime, kinuha ko, kahit pagod, sige lang, iniisip ko, konting tiis pa, uuwi din ako ng matagumpay.
Pero habang tumatagal, napansin ko, ako lang pala tong lumalaban.
Sa Pilipinas, parang hindi nila ramdam yung hirap ko, kapag hindi ako nakapagpadala agad, may tampo, kapag sinabi kong pagod ako, sasabihin lang, “Eh yan naman ang pinili mo, diba?”
Masakit.
Lalo na noong birthday ko, walang nakaalala, kahit simpleng video call o voice message, wala, pero nung graduation ng pamangkin ko, ako ang unang hiningan ng panggastos sa toga.
Hindi ko na nga maalala kung kailan ako huling natawa ng totoo, yung tawa na walang bigat sa dibdib.
Minsan iniisip ko, para saan pa ba lahat ng to?
WHAT IF WAG AKONG MAGPADALA?
WHAT IF KALIMUTAN KO RIN KAYO?
Ayan halos yung mga tanong na ang sumasagi sa isip ko.
Tapos nakita ko tong page, di ko alam kung bakit, pero parang may bulong na nagsabing, sige na, ilabas mo na.
Kaya eto ako ngayon, walang pake kung sino makabasa, gusto ko lang marinig niyo to,
Hindi kami makina, hindi kami bank account, tao kami, may emosyon, may hangganan.
Para sa lahat ng OFWs na tulad ko, kung nararamdaman mong nauubos ka, wag kang mahiyang magsabi, hindi ka nag-iisa.
- Tita Cansada