02/05/2026
Sa bawat tunog ng bola sa court, may kasabay iyong pangarap. Mga pangarap ng kabataang naniwalang sapat ang sipag, puso, at sakripisyo upang manalo. Ngunit may mga larong hindi pala natatapos sa husay lamang, dahil minsan, may mga laban na tila naipanalo na bago pa man magsimula.
Masakit hindi dahil natalo ka, kundi dahil naramdaman mong may mga bagay na hindi kayang tapatan ng ensayo, disiplina, o determinasyon. May mga pagkakataong hindi score ang tunay na kalaban, kundi mga aninong tahimik na bumabaluktot sa dapat sana’y patas.
Unti-unting nababasag ang paniniwala ng isang atletang lumalaban nang marangal kapag ang pinaghirapan niya’y natatabunan ng hindi maipaliwanag na pabor. At doon mo maiisip, sapat pa ba ang pagiging tapat sa larong unti-unting nilalamon ng pagkiling?
Ngunit ang tunay na manlalaro ay hindi lang sinusukat sa panalo. Sapagkat may mga pagkatalong mas marangal kaysa tagumpay na may bahid ng pagdududa.
Dahil kapag humupa na ang sigawan, nabura na ang iskor, at natapos na ang laro, iisa na lang ang mananatili.
Hindi kung ilan ang puntos mo… kundi kung paano mo hinarap ang laban nang hindi isinusuko ang dangal mo.